Ni Bella Gamotea

Sa rehas ang bagsak ng isang retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos barilin ang isang residente sa Muntinlupa City nitong Martes.

Nakapiit ngayon sa Muntinlupa City Police ang suspek na si Ruperto Bote Jr. y Ronquillo, 60, ng Block 11 Lot 15, RV1, Victoria Homes, Tunasan ng nasabing lungsod.

Nagpapagaling naman sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Eric Baltazar y Manoga, alyas Eric, 36, ng New York Street, RV1, Barangay Tunasan. Siya ay tinamaan ng bala sa likod na tumagos sa kanyang lalamunan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pamamaril sa RV1, Subdivision, Victoria Homes, Bgy. Tunasan, bandang 7:00 ng umaga.

Naglalakad ang biktima sa RV1 Main Road Victoria Homes nang makitang direkta siyang tumbukin ng motorsiklo na kinalululanan ng suspek.

Sa hindi batid na dahilan, binaril ng suspek ang likod ng biktima bago tumakas.

Agad isinugod sa ospital ang biktima na nasa maayos nang kondisyon.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-Station 6 na naging sanhi ng pagkakaaresto kay Bote.

Isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.