Ni Marivic Awitan

ITATAYA ng mga siklistang nasa national at continental team ang kanilang ipinagmamalaking pangalan at posisyon kontra sa iba pang mga riders sa idaraos na PhilCycling National Championships for Road—na magsisimula sa bukas -hanggang Sabado sa Subic at Bataan.

Paglalabanan nila ang karangalan na makapagsuot ng national champion’s jersey para sa Men and Women Elite at Under 23 and Junior categories, ayon kay PhilCycling President Abraham “Bambol” Tolentino.

Ang national championships ang magsisilbing highlight ng PRU Ride PH 2018,isang cycling festival na taunang idinaraos ng Pru Life UK.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Lalahok sa event ang Filipino-American rider na si Coryn Rivera, itinuturing ngayong isa sa mga world’s best women elite rider na nagkampeon noong nakaraang taon sa Tour of Flanders in Belgium.

“The national champion’s jersey is the most prestigious jersey a cyclist riding for his country would ever want to wear,” ani Tolentino. “We therefore expect a very tough competition among our best cyclists.”

Kasama ni Tolentino na magpapasinaya sa event sina PhilCycling Chairman Alberto Lina at Secretary General Atty. Billy Sumagui at Pru Life UK Senior Vice President at Chief Marketing Officer Allan Tumbaga.

Ang men’s road race ay idaraos sa isang out-and-back 138.27-km course sa Subic Bay Exhibition and Convention Center na tatampukan ng 7-km climb sa Dambana Ng Kagitingan sa Mount Samat.

Kasabay nito ang women’s event na may distansyang 96.55 kms na circuit racing sa loob ng Subic. Ang dalawang karera ay magsisimula ng 9:00 ng umaga.

Gaganapin naman ang individual time trial sa Sabado.

Magtatapos ang national championships sa pamamagitan ng Criterium races sa Enero 21 sa McKinley West sa Taguig City.