Ni Erik Espina

KAHIT ano pang tabas ang gawin o palamuting isabit, aminin natin na ang “Multi-Party System” (MPS), sa ilalim ng Presidential government, ay isang anomalya. Hindi angkop sa pinapairal na pamamahala ang pagkakaroon ng maraming partido, na binubuo pa ng mahigit sa 200 katao. Kasama rito ang regional at party-list. Tuloy, karamihan sa botante kundi man nahihilo, ay nalilito.

Una sa mga naging epekto ng pagkakaroon ng maraming nag-aagawang partido, ang paghina ng katatagan ng ating demokrasya. Simula noong ilugso ang 1987 Constitution, walang pangulo ng Pilipinas ang nakatanggap ng malinaw na mayorya (sobra sa 50 porsiyento) sa taumbayan. Sa ganitong tanikala ng MPS, pinahina ang mandatong nasusungkit ng mga kandidato. Pansinin, ang mga presidente na nagwawagi sa kasalukuyang halalan ay puro “plurality of margin” lamang ang maipagmamalaki. Sa payak na paliwanag, ito ang maliit na agwat sa dami ng boto ng bawat kandidato. Kahit pa gawing halimbawa si dating Pangulong Erap o si Pangulong Duterte na umani ng suporta sa eleksiyon, sa MPS, hindi pa rin sila nakabingwit sa nakagawiang natatamasa kapag sistemang “Two Party” ang ipinapairal. Katulad sa dekadang termino nina Manuel Quezon hanggang sa pangalawang termino ni Ferdinand Marcos, natunghayan na Nationalista at Liberal lang ang tinangi.

Kapag limitado lamang sa dalawang partido ang nagbabanggaan, malinaw sa isipan ng mga tagahalal kung sino sa dalawa at aling plataporma-de-gobyerno ang nais nilang suportahan. Sakaling walang nagustuhan sa mga nakahaing kandidato sa pagkapangulo, maaaring iwang blangko ang balota.

Sa dalawang partido, mas madaling mapag-isa ng bagong Presidente (matapos ang matinding patutsadahan at kampanya) ang bayan. Batid natin na ang demokrasya ay nakasuhay sa paggalang at pagkilala sa itinakda ng mayorya o ng 51% pataas na botante. Sa MPS, kung 23% lang ang agwat ng nahalal na kandidato sa natalong kalaban sa pagkapangulo, naturalmente, karamihan ng Pilipino, kontra sa nanalo. Kung sa basketball pa, masaya ‘pag dalawa lang ang naglalaro kaysa karambola ang 3-5 manlalarong lupon. Magulo ‘yun! Sa kalakaran ngayon, kapag sikat at mayaman nais kumandidato, maaari na ring magtayo ng sariling partido para lang masabing maraming tagasuporta. Angkop na bansag dito ay “Birthday party”.

Itinayong piging ng sariling ambisyon at kagawian.