Ni Bert de Guzman

MATAAS ang performance at trust ratings ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa kabila ng matitinding batikos sa kanyang madugong giyera sa illegal drugs na kumitil ng libu-libong pinaghihinalaang drug pushers at users kaugnay ng Oplan Tokhang ni PNP Chief Ronald dela Rosa, alyas Gen, Bato.

Batay sa survey ng Pulse Asia na ginawa noong Disyembre 10-15 at Disyembre 17, 2017 na 1,200 adult Filipinos sa buong bansa ang tinanong, lumilitaw na walo sa 10 Pinoy ang nagtitiwala pa rin kay Mano Digong.

Sa survey results, nagtamo si PRRD ng 80% approval rating at 82% trust rating. Noong Setyembre ang kanyang approval rating at trust scores ay parehong 80%. Nagtamo siya ng majority approval (72 to 93%) at trust (74-to 94%) ratings sa lahat ng lugar sa bansa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Pahayag ni presidential spokesman Harry Roque: “Ipinakikita ng mga numerong ito na alam ng taumbayan at kinikilala nila ang mahahalagang nagawa ng Pangulo sa loob ng isa at kalahating taon sa puwesto.”

Samantala, napanatili nina Vice Pres. Leni Robredo at Senate Pres. Koko Pimentel ang majority approval at trusts ratings na natamo nila noong Setyrembre, 2017. Nagtamo si VP Leni ng approval rating na 59% mula sa 57% noong Setyembre at trust rating na 58% mula sa 55%. Nagpapasalamat si beautiful Leni sa taumbayan sa patuloy na suporta sa kanya.

Parang naging “mahiyain” si Gen. Bato kung siya’y tatakbo sa pagka-senador sa 2019 elections matapos lumabas ang Social Weather Stations (SWS) survey na hindi siya kasama sa Top 12 na iboboto ng mga tao. Medyo mailap siya sa pagsagot kung siya’y tatakbo.

Tumanggi si Bato na magsalita tungkol sa pulitika dahil nakatuon daw ang kanyang pansin sa trabaho bilang PNP chief. Pinalawig ni PDU30 ng tatlong buwan ang termino ni Dela Rosa sapagkat mayroon pang nais ipatapos sa kanya ang Pangulo.

Noong Nobyembre 2017, si Bato ay nasa hanay ng 10-12 candidates sa SWS survey, pero bumagsak nitong Disyembre bagamat kabilang pa rin siya sa Top 20. Nag-aatubili ang PNP chief kung itutuloy niya ang pagtakbo bilang senador subalit sinabi niyang kung isasama siya ni Pres. Rody sa tiket ng PDP-Laban, sino siya para tumanggi. Tanong: “May eleksiyon ba sa 2019?”

Samantala, naglabas din ang SWS ng survey na nagsasaad na si PRRD ay “better” o mas magaling kaysa kay PNoy (ex-Pres. Noynoy Aquino). Maraming Pilipino ang naniniwala na mas magaling at mabuti ang Pangulo kumpara sa solterong ex-president.

Batay sa survey, 70% ng respondents ay nagsasabing mas magaling ang performance ni Mano Digong kumpara kay PNoy na hanggang ngayon ay binata pa. Tanging walong porsiyento ang naniniwalang mas “better” o magaling si PNoy kay Duterte.

Tanong uli: “Dapat ba nating paniwalaan ang mga survey ng Pulse Asia at SWS?