Ni Fer Taboy

Nadakip ng militar ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at nasamsaman ng bomba sa Zamboanga City, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), kinilala ang suspek na si Benhur Idarus Inggeng, alyas “Ben Akmad”, na nakuhanan ng dalawang improvised explosive device (IED) at iba pang mga materyales sa paggawa ng bomba.

Sinabi ng pulisya na tubong Basilan si Inggeng pero nakatira ito sa Maharlika Village sa Taguig City.

Probinsya

Suspek sa pinatay na 7-anyos na batang babae, nakainom bago upakan ang biktima!

Nabatid sa ulat ng pulisya na nakatanggap ng impormasyon ang ZCPO na may mga terorista sa lungsod, na plano umanong magsagawa ng pambobomba.

Ayon sa impormasyon, puwersahang pinasok ng mga miyembro ng Explosive Ordnance Division (EOD) ang isang kuwarto sa Serenity Pension House dakong 10:45 ng gabi nitong Lunes.

Sa bisa ng arrest warrant, nadakip si Inggeng at matagumpay na na-disrupt ng EOD ang dalawang bomba sa bag na itinago sa drawer ng cabinet sa lugar.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung kabilang si Inggeng sa grupo ng mga terorista na una nang naaresto sa Maynila sa planong pambobomba.