Ni Bert de Guzman
TINANGGAP ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pagbibitiw ng anak na si Paolo “Pulong” Duterte bilang Vice Mayor ng Davao City. Noong Pasko, Disyembre 25 pormal na inihain ni VM Pulong ang kanyang resignation sa Davao City Council.
Sa pagbibitiw, binanggit ni VM Duterte ang dalawang dahilan kung bakit siya nagbitiw sa puwesto. Delicadeza sanhi ng pagkakasangkot niya sa P6.4-bilyong shabu smuggling sa Bureau of Customs, at sa “word war” nila ng kanyang anak na si Isabelle sa unang asawa.
Hindi pinigilan ni Mano Digong ang anak sa pagbibitiw. Para sa Pangulo, kung ano sa palagay ni Pulong na tama o mabuti, siya ang masusunod. Nagpadala ng liham si Executive Sec. Salvador Medialdea na nag-iimporma kay Pulong na tanggap ng Pangulo ang resignation.
Ang liham ni Medialdea ay may petsang Enero 5, binigyan ng kopya sina Davao City Mayor Sara Duterte at ang Dept. of Interior and Local Government (DILG). Ang liham ay ini-release ni presidential spokesman Harry Roque na nagsabing tinatanggap ni PRRD ang pagbibitiw.
Dahil dito, susuriin ng DILG kung sino ang papalit bilang bagong vice mayor. Ang mga konsehal na pagpipilian ay sina Councilors Bernardo Alag, Marissa Salvador-Abella, at Ma. Cherry Bonguyan. Marahil ay naging mahirap kay Pulong ang pagbibitiw, pero tulad ng sinabi niya, ito ay bunsod ng DELICADEZA. Isinasangkot siya sa shabu smuggling bukod pa sa away nila ng anak na si Isabelle sa social media.
Nagbibiro ang kaibigang journalist: “Kung ang train (MRT3) nina ex-PNoy (kasama si ex-DOTC Sec. Joseph Abaya) ay sakit ng ulo ng commuters noon (magpapasagasa pa sana sila sa tren), ang TRAIN naman ngayon ni PDU30 ay baka sumagasa sa libu-libo o milyun-milyong manggagawa (arawan) at ordinaryong kawani dahil ang bawas sa buwis na kanilang makukuha ay babawiin naman sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, grocery, pasahe, at serbisyo.”
Sa pagtatapos ng 2017 at pagsisimula ng 2018, dalawang opisyal ang hinirang ni Pres. Rody sa sensitibong mga posisyon—sina ex-AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, bilang hepe ng DILG; at ex-DILG OIC Catalino Uy, bilang bagong hepe ng Dangerous Drugs Board kapalit ng sinibak na si Ret. General Dionisio Santiago.
Siyanga pala, ‘di ba si Gen. Santiago ang pangunahing source niya sa listahan ng mga pulitiko, kongresista, governor, mayor vice mayor, barangay chairman na sangkot daw sa droga? Sinibak si Santiago dahil lang sa komento nito na parang mali o misplaced ang pagtatatag ng malaking drug rehabilitation center sa Laur, Nueva Ecija. Hindi ito nagustuhan ni PRRD.
Sana ay maging ligtas at walang aksidente ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayon, Enero 9. Mag-ingat ang lahat ng deboto, iwasan ang pagdadala ng cell phone, relo, at iba pang burloloy. Huwag na ring sumama sa parada ang mga “debote” o lasenggo, buntis, bata at may alta-presyon!