Ni Fr. Anton Pascual
KAPANALIG, nalalapit na naman ang Traslacion.
Tuwing Enero 9, libu-libong Pilipino ang nagpupunta sa Quiapo nang nakapaa at nakasuot ng maroon. Lahat sila ay mga deboto ng San Nazareno. Kadalasan, ang debosyon na ito ay sinalin sa kanila ng kanilang mga magulang. Ngayon, sinasalin na ito sa kanilang mga anak.
Bagamat marami sa mga deboto ng Nazareno ay may kaya at may pangalan na sa lipunan, hindi natin maikakaila na marami rin sa kanila ay kasama sa maralitang sektor. Tulad ng debosyon sa San Nazareno, ang kanilang kahirapan ay nasalin din sa mga sumunod na henerasyon.
Sa ngayon, nasa 26 na milyon ang mga Pilipinong naghihirap, at kalahati nito ay hindi kayang tustusan ang gastusin kahit sa pagkain lamang. Ito ang realidad ng buhay ng marami sa ating mga Pilipino.
Si Kristo, ang hari ng maralita, ay hindi nagnais na mabuhay ng salat ang mga Pilipino. Hari siya ng maralita hindi dahil nais niyang maging mahirap ang tao, kundi dahil naglalakbay siya at sinasamahan tayo tungo sa kaganapan ng ating pagkatao. Ito ang ehemplo ng Nazareno: ang samahan ka kahit ano pa man ang pinagdadaanan mo ngayon, tungo sa ginhawa.
Ang ehemplong ito ang ating nakakaligtaang sundan pagkatapos ng Traslacion. Tuwing pista, tabi tayo sa init at sikip, mayaman man o mahirap. ‘Pag tapos nito, kanya-kanyang uwi. ‘Yong iba, didiretso sa kanilang air-conditioned na bahay, ‘yong iba, uuwi sa kanilang barung-barong. Hanggang sa Quiapo lamang magkaalakbay ang mga deboto.
Ang ating pananalig ay hindi lamang dapat mapako at maiwan sa prusisyon. Ang ating pananalig ay dapat tumulak sa atin, maralita man o mayaman, na kumilos. Ito ang faith in action. Panahon na upang maging konkreto ang ating debosyon. Huwag nating sayangin ang simbolo ng Nazareno sa taunang Traslacion lamang. Hindi nararapat na minsan sa isang taon lamang natin ito sinasabuhay, at tila nililimot sa mga ordinaryong araw.
Kaya sana ngayong taon, mag-iba na. Sana ngayong taon, ang Traslacion ay maging way of life nating mga Pilipino, hindi lamang tradisyon.
Ang Evangelii Gaudium ni Pope Francis ay may mahalagang aral na maaaring makatulong sa atin upang maging tunay na kaalakbay ng isa’t isa: “Ang bawat isa sa atin ay tinatawag na maging instrumento ng kalayaan ng maralita upang tunay silang makalahok sa lipunan… Ang salitang solidarity, gasgas man o luma na, ay hindi natin tunay na nauunawaan. Ito ay hindi lamang paminsan-minsang pagbubukas palad. Ito ay pagbabago ng pananaw. Ito ay ang pagpapalawak ng ating kaisipan upang yakapin ang kapwa at unahin ang buhay kaysa pera.”