Ni Fer Taboy
Naaresto ng pulisya ang isang umano’y kilabot na magnanakaw matapos na mahulog sa tulay ang get-away vehicle nito nang magtangkang tumakas habang hinahabol ng mga awtoridad sa Barangay Poblacion, Kalibo, Aklan.
Batay sa report ng Kalibo Municipal Police, kinilala ang suspek na si Glenn Alvin Orille, 43, tubong Carmona, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kasamang nadisgrasya ang asawa ni Orille na si Maria Evelyn, at ang kanilang anak.
Narekober umano sa loob ng sasakyan ang mga mamahaling alahas, branded na relo, gadgets, identification cards at mga pera na natangay umano ng suspek sa mga biniktimang tenant sa ilang apartment sa Kalibo.
Bukod dito, narekober din mula sa suspek ang isang fragmentation grenade, kutsilyo, picha korno at maraming maleta, at nakuhanan din umano ng uniporme at tsapa ng pulis.
Ayon sa pulisya, namukhaan umano ang suspek ng isa sa kanyang mga nabiktima at nagkaroon sila ng kumprontasyon.
Pagkatapos nito ay kaagad umanong tumakas ang suspek sakay sa get-away vehicle, pero binangga ito ng motorsiklong sinasakyan ng dalawang Criminology student intern at isang tricycle.
Dahil sa aksidente, nahulog sa tulay ang sasakyan at nadakip ang suspek—na kinumpirmang nakilala ng pulisya batay sa CCTV footages mula sa mga niloobang apartment.