Ni Celo Lagmay

TUWING mapapadaan ako sa comfort woman statue sa Roxas Blvd. sa Maynila, hindi ko maapuhap ang lohika sa pagpapatayo ng naturang rebulto. Kagyat ang aking reaksiyon: Ito ay mistulang pagsariwa sa pananampalasan ng mga dayuhan sa ating kababaihan.

Comfort woman ang tawag sa kababaihan na sinasabing pinagsamantalahan at ginawang sex slaves ng mga dayuhang sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; sinasabing kabilang ang ilang Japanese soldiers na umano’y naglugso sa kapurihan ng kababaihan noong dekada ‘40; sila ang sumasagisag sa rebulto na ipinatayo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at Manila City Hall.

Sa dinami-dami ng makasaysayan at makabuluhang eksena at pangyayari na dapat nating idambana sa pinakamataas na karangalan, bakit rebulto pa ng biktima ng pagsasamantala at kawalan ng paggalang sa dangal ng ating kababaihan ang ipinatayo ng naturang mga tanggapan ng gobyerno? Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit pormal na hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa nabanggit na mga ahensiya na ipaliwanag ang pagpapatayo ng nasabing rebulto.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ito rin ang dahilan marahil kung bakit nais ng mga travel agencies, kabilang ang National Independent Travel Agency (NITA), na alisin ang comfort woman statue sa naturang lugar sa lungsod ng Maynila. Bunsod ito ng hindi kanais-nais na mga impresyon mula sa ating mga kababayan at mga dayuhan, lalo na ng mga Hapon.

Palibhasa’y matayog ang ating pagpapahalaga sa dangal ng ating kababaihan, nakapanlulumong gunitain ang pagyurak sa kanilang karangalan. Lalo na nga kung iisipin ang walang pakundangang pagpapatayo ng nasabing rebulto. Hindi na natin dapat itampok ang ipatanaw sa daigdig ang mapait na karanasan ng ating kababaihan sa kamay ng buhong na mga kawal na sumakop sa ating bansa. Ang gayong mga eksena ay sapat nang maging bahagi na lamang ng kasaysayan.

Ang nasabing rebulto ay natitiyak kong hindi rin kanais-nais masaksihan ng mismong mga Hapon; kababayan nila ang mga sundalong pinagbibintangang pasimuno sa pagyurak sa dangal ng ating kababaihan, at maging kababaihang sinakop nila noong digmaan.

Maaaring hindi rin nila nais gunitain pa ang sinasabing kalupitang ginawa ng kanilang mga kababayang sundalo.

Isa pa, at ito ang mahalaga, matindi ngayon ang pakikipagmabutihan ng Japan sa ating bansa. Ang kanilang pamahalaan ang halos kusang-loob na umaagapay sa ating gobyerno sa pagsusulong ng makabuluhang programa para sa kaunlarang pangkabuhayan at sa iba pang larangan.

Hindi pa ba sapat ang mga positibong pagdamay na ito upang alisin na ang naturang rebulto na nakaaapekto sa PH-Japan relationship?