Ni Bella Gamotea

Patay ang pinsan ng barangay chairman makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Nagtamo ng bala sa mukha, balikat at braso, binawian ng buhay sa Pasay City General Hospital si Ferdinand Decena, nasa hustong gulang, pinsan ni Chairman Angelo Decena ng Barangay 25 ng nasabing lungsod.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang armadong suspek na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Rodolfo Suquiña, Jr. ng Pasay City Police, naganap ang pamamaril sa panulukan ng F.B.

Harrison at Arnaiz Avenue, Bgy. 27 ng lungsod, dakong 1:00 ng madaling araw.

Kagagaling lang ni Decena sa e-bingo, kasama ang isang babae na hindi pinangalanan, at nag-aabang ng jeep nang biglang dumating ang mga suspek.

Walang habas na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima habang ligtas na nakatakbo ang kasama nitong babae.

Humarurot ang mga suspek sa hindi batid na direksiyon matapos ang pamamaril.

Samantala, tinamaan ng bala ang salamin ng isang convenience store at ang nakaparadang SUV sa lugar at masuwerteng walang nasaktan.

Inaalam na ang motibo sa insidente.