Ni Ric Valmonte
BASE sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang net satisfaction rating ng Senado. Ayon dito sa 69% contentment, 14% ang hindi kuntento sa trabaho ng Senado na nagbunga ng net satisfaction na “very good” sa +56.
Ito ay mas mataas ng 10 puntos sa +46 na may net satisfaction na “good” noong Setyembre 2017. Nanatili namang “good” ang ratings ng Kamara, Korte Suprema, at Gabinete.
Ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez, sa scale of 1 to 10, 8 ang grado ng House of Representatives. Tinawag niyang “slow chamber” ang Senado dahil sa mabagal nitong aksiyon sa paggawa ng batas. “Huwag nating huhusgahan ang paggawa ng batas batay sa dami ng mga naipasang batas kundi kung paano ito nakapagpaunlad sa kalidad ng buhay sa buong mundo at partikular sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa bansa,” sagot naman ni Senate President Aquilino Pimentel III.
Ang Senado, aniya, ay “thinking chamber.” Kasagutan din niya ito sa paglait ni Alvarez sa Senado dahil sa matagal na pagproseso sa mga bill, kasama na ang bill na nagpapataw ng parusang kamatayan, na ipinadadala ng Kamara.
Hindi lang “thinking chamber” ang Senado, tulad ng tinuran ni Speaker Pimentel, kundi may pakiramdam pa. Alam nito ang makabubuti sa bayan. Alam din nito ang saloobin ng mamamayan na hindi nila maibulalas sa pangamba nila sa kanilang kaligtasan. At ang mahalaga ay buong tapang pa nitong isinulong ang mga ito. Nang pairalin ni Pangulong Duterte ang kanyang war on drugs, nahintakutan ang lahat. Kasi, ang sinumang magpahayag ng kanilang saloobin laban dito ay tumatanggap ng masasama at maaanghang na salita mula sa Pangulo. Kalaban din nila ang mga taong naniwalang sa pagpatay ay may kaligtasan. Maging ang Korte Suprema ay tumiklop sa panahong ito. Noong Hulyo 2016, nagsampa na kami ng kaso dito upang iayon sa Rule of Law ang pagpapairal ng war on drugs, subalit i-dinismiss agad ito ng Korte.
Ngunit, inimbestigahan na ng Senado, sa pamamagitan ng Blue Ribbon Committee na ang chairperson noon ay si Sen. Leila de Lima, ang mga pagpatay at ang extrajudicial killings (EJK) at ang pagkakasangkot dito ng Pangulo. Tinanggal man si De Lima bilang pinuno ng komite, hindi natinag ang mga kapwa niya nasa oposisyon upang ipagpatuloy ang kanyang sinimulan kahit pilit na sinagkahan ng pumalit sa kanya na si Sen. Richard Gordon ang tungkol sa kaugnayan ng Pangulo sa EJK. Ganito rin katapang na siniyasat ng Senado ang pumasok na P6.4 bilyon shabu sa Bureau of Customs. Kahit nag-iisa si Sen. Antonio Trillanes, pilit niyang pinalalim ang imbestigasyon upang alamin ang kaugnayan ng Pamilya Duterte sa napakalaking shabu shipment. Sa dalawang isyung ito, kahit hindi na isama ang mga batas na nilikha nito, nababagay na kategoryahing “excellent”, hindi lang “very good”, ang performance rating ng Senado. Giniba nito ang kredibilidad ng mga pagpatay dahil sa droga dahil ang pumapatay ang siyang nagpapasok ng droga sa bansa.