Ni Light A. Nolasco
BALER, Aurora - Maagang naglunsad ng checkpoint sa pag-uumpisa ng taon ang Baler Police sa Aurora, sa ilalim ng programang “Oplan Sita”.
Sa ilalim ng operasyon ay huhulihin, aarestuhin at pagmumultahin ang mga motorsiklong walang dokumento, kabilang na ang mga menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo.
Mula nang isagawa ito, nakakumpiska na ang mga awtoridad ng 40 motorsiklo na naka-impound sa himpilan ng Baler Police, dahil sa kakulangan ng mga dokumento.
Ayon kay Senior Insp. Emilio Sison, hepe ng Baler Police, kabilang sa kanilang hinahanap ang resibo, certificate of registration ng motorsiklo, at lisensiya ng driver.
Ipinatatawag naman ang mga magulang ng mga mahuhuling menor de edad, ayon kay Sison.