Ni Aris Ilagan

UNTI-UNTI nang nadarama ang epekto ng tax reform program ng Duterte government.

Parang korus ng isang awitin kung humiling sa gobyerno ng pagtaas sa presyo ng iba’t ibang bilihin tulad ng petrolyo, pagkain at softdrinks.

Bukod dito, nangangalampag na rin ang mga operator ng jeepney, taxi at bus sa paghingi ng dagdag pasahe bunsod na rin ng inaasahang pagtaas sa presyo ng krudo sa mga susunod na araw.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Pilit na kinakalma ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga mamamayan, sa pagpapalabas ng press release, na mararamdaman ng mga ordinaryong empleyado na sumasahod ng P20,000 pababa kada buwan ang epekto ng tax reform program.

Subalit kung kayo ay maglilibot at magtatanong kung ano talaga ang sitwasyon, may posibilidad na atakehin kayo sa puso dahil sa laki ng itinaas ng presyo ng mga kalakal.

Maging ang mga dealer ng sasakyan ay may kanya-kanyang istilo rin upang makapagtaas ng presyo, bagamat hindi pa inilalabas ng gobyerno ang Implementing Rules and Regulations (IRR).

Isang kaibigan ni Boy Commute ang halos pumutok ang butse nitong mga nakaraang araw matapos malaman na malaki ang itinaas ng presyo ng kanyang sport utility vehicle (SUV) na napupusuan. Disyembre pa ng nakaraang taon nang makakuha siya ng Purchase Order para sa kanyang SUV, ngunit sinabi sa kanya ng car dealership na walang available unit.

At sa kanyang pagbalik nitong Martes, bitbit ang salapi upang magbakasakaling mayroon nang available unit, sinabihan siya ng ahente na mayroon nang unit subalit ito’y mas mataas ng P169,000.

Halos mag-blackout ang tao.

Nang humingi siya ng price list, ayaw magbigay ng ahente dahil “verbal” lang daw ang pasabi sa kanila ng presyo ng mga ibinebentang sasakyan.

Ito ay senyales na posibleng itinatago na ng mga car dealership ang brand new unit upang mapatungan nila ang presyo nito sa ilalim ng bagong excise tax program. Ito’y sa kabila ng katotohanan na hindi pa nito saklaw ang 2017.

Paano malalaman ng buyer kung luma o bagong unit ang kanilang nabili kung hindi naman nila maaaring kilatisin ang engine at chassis number nito upang madetermina ang production date.

Sa ilalim ng batas, ang tanging mapapatawan ng karagdagang buwis ay ang mga naiangkat sa bansa nitong Enero 2018.

Kaya dapat manatili sa presyo ang mga old stock.

Sa ganitong sitwasyon na iniipit ang mga stock ng sasakyan, tameme ang gobyerno.

Bakit hindi nyo sitahin at kasuhan ng economic sabotage ang mga car dealer na ito? Buwiset!