Tikom kahapon ang bibig ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pagkakakilanlan ng opisyal ng pamahalaan na sisibakin ni Pangulong Duterte dahil sa katiwalian.

Sinabi ni Roque na ngayong Miyerkules papangalanan ng Malacañang ang panibagong sisibakin, na ayon sa kanya ay isang presidential appointee.

Aniya, patunay lamang ito na seryoso ang Pangulo sa paglilinis sa hanay ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, at walang sinasanto o sinisino ang Presidente kapag kurapsiyon na ang pinag-uusapan.

“Andito na lahat ng dokumento. Anyway, malalaman naman po ‘yan (opisyal na sisibakin sa puwesto), iaanunsiyo ‘yan kung ipapaanunsiyo ng Pangulo. Ang ipinupunto ko po ay talagang seryoso ang Presidente laban sa katiwalian sa gobyerno, at pangalawa ay walang sinasanto ang Presidente. Walang kaibigan, walang kaklase, basta ikaw ay palpak sibak ka,” sabi ni Roque.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

PATI MGA PARAK SIBAK

Bukod sa nasabing presidential appointee, sinabi ni Roque na ngayong linggo rin ihahayag ang pangalan ng mga pulis, na may ranggong superintendent, na sisibakin din umano sa puwesto.

Noong nakaraang taon ay ilang opisyal ng pamahalaan ang sinibak ni Pangulong Duterte dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian, kabilang si Energy Regulatory Commission Chairman Jose Salazar sa alegasyon ng kurapsiyon, na sinibak noong Oktubre.

Kasunod nito, sinuspinde naman ng Office of the Ombudsman nang isang taon ang lahat ng apat na natitirang komisyuner ng ERC na sina Gloria Yap-Taruc, Alfredo Non, Josefina Patricia Magpale-Asirit, at Geronimo Sta. Ana dahil sa umano’y maanomalyang power supply deals sa 38 kumpanya.

OICs sa ERC

Sinabi naman kahapon ni Roque na pinag-aaralan na ng Palasyo na magtalaga ng mga officer-in-charge kapalit ng mga komisyuner upang hindi maparalisa ang trabaho sa ERC.

“Pero ang malinaw po, hindi po pupuwedeng ma-paralyze ang ERC dahil napakaimportante po ng papel na ginagampanan ng tanggapan na ‘yan,” sabi ni Roque, kaugnay na rin ng pangamba ni ERC Chairman Agnes Devanadera na posibleng magresulta ito sa serye ng brownout sa bansa. - Beth Camia at Roy Mabasa