Ni Malu Cadelina Manar

KIDAPAWAN CITY – Doble ngayon ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng deputy chief of police sa isang bayan sa North Cotabato, na dinukot ng mga rebelde kamakailan, makaraang bawian na ng buhay ang misis nitong may cancer dahil labis umanong dinamdam ang sinapit ng asawa na nagpalubha sa sakit nito.

Disyembre 28 nang dinukot ng limang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) si Insp. Menardo Cui, deputy chief of police ng President Roxas habang nakikipag-inuman sa loob ng HMB KTV bar and lodge sa hangganan ng mga barangay ng Tuael at Poblacion sa President Roxas.

Sinabi ni Chief Insp. Andres Sumugat, hepe ng President Roxas Police, na off duty si Cui nang mangyari ang pagdukot.

Probinsya

10-anyos na batang babae, natagpuang patay; basag-bungo, walang saplot pang ibaba

Ayon sa ina ni Cui na si Felomina, dakong 12:45 ng umaga kahapon nang pumanaw ang kanyang manugang na si Florelie, limang araw makaraang dukutin ang mister nito.

Aniya, lumubha ang cervix cancer ni Florelie makaraang mabatid ang sinapit ng asawa.

Sinabi rin ni Felomina na hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na anumang mensahe mula sa mga dumukot sa kanyang anak.

Nanawagan din siya sa mga kidnapper na ibalik na ang pulis sa pamilya nito, dahil wala nang mag-aasikaso sa kanilang mga anak ngayong pumanaw na ang misis nito.

Kaugnay nito, inamin ni Supt. John Meridal Calinga, hepe ng intelligence unit ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), na wala pa rin silang lead sa kinaroroonan ni Cui.