Nilinaw ng Malacañang na hindi aalisin ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ang lahat ng jeepney, kundi isasamoderno lamang ang tatak Pinoy na uri ng transportasyon.
Ito ang nilinaw ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar matapos sabihin ng mga grupo ng transportayon na pahirap sa mahirap ang PUVMP.
Sa isang panayam ng Radyo Pilipinas, pinawi ni Andanar ang pangamba ng commuters na wala nang papasadang jeepney sa mga kalsada sa oras na ipinagpatuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang plano na i-phase out ang mga jeepney.
“It is not the phase out of the jeepney per se, the jeepney as a vehicle, as the concept of a commuter vehicle. It is the phaseout of the old models,” aniya.
“Mananatili po ‘yung jeepney, ‘yung jeepney na konsepto na sinasakyan po natin. Papalitan lang ho ng mas bago,” dagdag niya.
Idiin ni Andanar na itutuloy ng pamahalaan ang planong modernisayon sa mga jeepney.
“‘Yun po ang sinabi ng ating mahal na Pangulo. ‘Yun po ang polisiya ng gobyerno. ‘Yan po ang polisiya na ibinigay sa ating Pangulo ng Department of Transportation,” aniya.
“It’s just the model that we are phasing out because we believe, the government believes that the riding public deserves better, more energy-efficient and less pollutant jeepneys plying the streets of Metro Manila,” dagdag niya. - Argyll Cyrus B. Geducos