Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON
Sa selda sasalubingin ng magazine editor, at ng tatlo nitong kasabwat, ang Bagong Taon matapos silang makuhanan ng P1 milyon halaga ng party drugs sa buy-bust operation sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.
Iniharap kahapon sa media ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, Quezon City Police District director, ang tatlong babae, at isang lalaki, na sinasabing pawang gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga, karamihan ay party drugs, sa Metro Manila.
Kinilala ni Eleazar ang mga inarestong drug suspects na sina Nina Recio, 27, men’s magazine editor; Michael Carag, 22, kapwa residente ng Pasig City; kasama sina Sarah Sibayan, 25, ng Caloocan City; at Dianne Estrella, 27, residente ng Fairview, Quezon City.
Nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng QCPD Drug Enforcement Unit, sa pangunguna ni Chief Inspector Ferdinand Mendoza; Kamuning Police Station (PS-10); at ang Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region Office at isinagawa ang operasyon laban sa apat.
Ayon kay Mendoza, isang buwan isinailalim sa surveillance ang mga suspek matapos malaman ang ilegal nilang aktibidad, bago pa man inalis sa kamay ng PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Nang ma-contact nila si Recio, agad nagsagawa ng operasyon ang anti-drug operatives sa tapat ng isang Chinese restaurant sa Timog Avenue, bandang 7:45 ng umaga.
Matapos kunin ang P100,000 marked money mula sa poseur buyer, agad inaresto ng awtoridad ang apat na pawang nasa loob ng puting Mazda Sedan (ABE 7567), na ayon sa mga pulis, palaging ginagamit ng mga suspek sa pagbibiyahe ng ilegal na droga.
Nakumpiska ng operatiba ang 20 pakete na naglalaman ng 30 gramo ng umano’y cocaine, na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000; 200 piraso ng ecstacy tablets, na nagkakahalaga ng P500,000; apat na bote ng liquid ecstacy, na nagkakahalaga ng P200,000; at ilang cash na sinasabing kinita sa pagbebenta ng droga.
Sinabi ni Eleazar na posibleng gagamitin ang mga nasamsam na party drugs ngayong Bisperas ng Bagong Taon bilang parte ng selebrasyon. Idinagdag niya na ide-deliver sana ng mga suspek ang ilang nasamsam na droga sa mga party-goers na magdiriwang ng Bagong Taon.
Samantala, isiniwalat ni National Capital Region Police Office chief Oscar Albayalde, na dumalo rin sa press briefing, na si Recio ay live-in partner ni Raul Cisneros na inaresto sa isang condominium sa Taguig City noong Setyembre 2016.
Sinasabing sinusuplyan ni Cisneros ng party drugs ang mga high-end bars sa Taguig at Makati. Nakuha sa kanya ang 1,100 candy-like ecstacy pills.
Kasalukuyang nakakulong ang apat na suspek sa Camp Karingal sa Quezon City, at inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.