GENERAL SANTOS CITY- Sinimulan nang imbestigahan ng Commission on Human Rights ang kaso ng nawawalang 19 anyos na lalaki makaraang arestuhin ng pulisya noong Nobyembre 10 sa Barangay San Isidro, sa lungsod na ito.

Inihayag ni CHR regional director Erlan Deluvio na nangangalap na ng impormasyon ang mga imbestigador ng CHR hinggil sa mga ginawa ni Philip Bancudo, 19, na iniulat na nawawala mula nang dakmain ng isang pulis sa Dacera Ave., Barangay San Isidro noong Nobyembre 10 ng madaling araw.

Una nang nagsampa ang pamilya ni Bancudo ng petition for writ ni Amparo sa korte, na nag-aatas sa lokal na pulisya na ilabas ang katawan ng biktima.

Itinanggi naman ni Chief Insp. Rexcor Canoy, Police Station 4 chief, ang alegasyon ng pagkakasangkot ng pulisya sa pagkawala ni Bancudo.

National

‘Pinas, ‘di makikipagtulungan sa ICC hinggil sa ‘interim release’ ni FPRRD – PCO Castro

Naniniwala ang ama ng biktima si Philip Bancudo, na maaaring pinatay ng pulis ang kanyang anak.

Hiniling ni Deluvio sa Department of Justice na isailalim ang mga magulang ni Bancudo at iba pang mahahalagang saksi sa kustodiya ng witness protection program.

Humingi rin siya ng tulong sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon sa kaso ni Bancudo na pinaniniwalaan ng pamilya na kaso ng enforced disappearance.

Ayon kay Deluvio, isiniwalat ng mga saksi sa insidente, na mga pulis ang mga hindi kilalang mga suspek na lumapit at dumakma sa biktima malapit sa gas station sa Bgy. San Isidro.

Aniya, lumiham na ang CHR regional office kay PNP chief Director-General Ronald dela Rosa na imbestigahan ang kaso ni Bancudo.

Nanawagan rin umano ang CHR regional office sa Kongreso at Senado na tumulong na mahanap ang nawawalang si Bancudo. - Joseph Jubelag