Hindi maikakaila na naging kontrobersiyal ang Philippine National Police (PNP) sa pagganap sa kampanya kontra ilegal na droga ngayong 2017.

Ayon mismo kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa, maraming natutunan ang mga pulis sa pagsabak sa naturang kampanya.

Matatandaang dalawang beses inalis sa mga kamay ng PNP ang kampanya kontra droga, una ay dahil sa pagkakapatay sa Koreanong negosyante na si Jee-Ick Joo; ikalawa ay ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng Caloocan City police sa serye ng patayan.

Oktubre nang muling alisin sa PNP ang kampanya kontra droga at ipinaubaya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangunguna sa anti-drug war campaign ng gobyerno.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

At pagsapit ng Nobyembre 22, muling ibinalik sa PNP ang operasyon laban sa droga.

Sa kabila ng urong-sulong na kampanya laban sa ilegal na droga, marami pa ring accomplishments ang PNP, lalo na sa kanilang operasyon sa “Oplan Double Barrel” at “Oplan Tokhang.”

Masasabing matagumpay ang Oplan Tokhang sa pagsuko ng mahigit isang milyong drug personalities.

Sa datos ng PNP, mula Hulyo 1, 2016-Setyembre 16, 2017, umabot sa 3,850 drug suspects ang napatay sa police operations at nasa 2,290 sibilyan ang nasawi kaugnay ng ilegal na droga.

Bukod diyan, sa 6,129 homicide cases nasa 398 na ang naresolba ng PNP mula Hulyo 1, 2016-Setyembre 15, 2017, o 6.49 porsiyento at hindi drug-related.

Sa pagbaka ng pamahalaan sa ilegal na droga, ilang pulitiko at negosyante na sangkot sa illegal drug trade ang inaresto at napatay ng PNP sa mga operasyon.

Unang nasampolan ang pamilya Espinosa sa Albuera, Leyte, nang mapatay sa selda si dating Mayor Rolando Espinosa at ang pagkakaaresto sa anak niyang si Kerwin Espinosa.

Sumunod ang mag-asawang Miriam at Melvin Odicta na sumuko pa noon kay dating Interior Sec Mike Sueno, ngunit napatay habang pauwi sa Iloilo at ang pagkakasangkot ni dating PNP general at ngayon ay Daanbantayan Mayor Vicente Loot na sinasabing protektor ng drug lord.

Tuluyan namang sinibak sa serbisyo ang dalawa sa tatlong narco-generals na pinangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Director Joel Pagdilao at Chief Supt. Edgardo Tinio, habang naka-pending pa ang kaso ni Chief Supt. Bernardo Diaz.

Napatay din ang alkalde ng Ozamiz City na si Mayor Reynaldo Parojinog at ang kanyang asawa nang lusubin sila ng mga pulis sa bahay.

Inaresto at ikinulong sa Camp Crame ang anak ni Mayor Parojinog, si Vice Mayor Nova Parojinog, at ang kapatid nitong lalaki.

Lumutang din ang pangalan ni Iloilo City Mayor Jed Mabilog na umano’y protektor ng illegal drugs.

Dahil dito, sinibak sa puwesto si Mabilog at dahil sa malakas na pressure sa alkalde ay napatay ng mga pulis ang isang top drug personality sa Western Visayas.

Ayon kay Dela Rosa, walang ginawang paglabag ang PNP sa Oplan Tokhang campaign sapagkat legal at hindi ito unconstitutional.

Samantala, dahil sa serye ng patayan, partikular na sa Caloocan City, matinding batikos ang natanggap ng PNP sa pagkakapatay kina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman.

Sinundan ito ng puwersahang panloob ng ilang pulis sa isang bahay sa Caloocan at tinangay ang ilang mahahalagang gamit ng may-ari.

Dahil dito, sinibak ng Dela Rosa ang lahat ng mga pulis sa Caloocan at isinailalim sa tatlong buwang retraining at nitong Disyembre 5, nagtapos ang mahigit 1,076 na Caloocan pulis.

Tiniyak ni Dela Rosa na mas magiging maingat sila, sa pamamagitan ng paggamit ng body cameras, sa pagsabak sa operasyon laban sa ilegal na droga. - Fer Taboy