Ni Gabriel Agcaoili

Arestado ang isang Swiss matapos umanong mandakma ng puwet ng babae sa loob ng isang mall sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Markus Vollenweider, 65, residente ng V. Mapa Street, Sta. Mesa, Maynila. Ang biktima naman ay si Kyzia Mari Pamintuan, 26, ng Singgalong, Maynila.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad si Pamintuan sa ikatlong palapag ng SM Centerpoint sa Aurora Boulevard, bandang 2:15 ng hapon.

National

Preventive suspension na inisyu ng Ombudsman, ‘politically motivated’—Mayor Marcy

Tinisod umano ni Vollenweider, na nasa likod ni Pamintuan, ang biktima dahilan upang bumangga ito sa suspek. Dito na umano dinakma ng suspek ang puwet ng biktima.

Agad inaresto ng guwardiya, na nakasaksi sa pangyayari, ang suspek at tumawag sa awtoridad.

Dinala si Vollenweider sa Quezon City Police (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit upang imbestigahan.

Sinabi ng QCPD - Women and Children’s Desk sa Balita na tinaggihan ng biktima ang alok na kasunduan ng suspek at nais nitong magsampa ng kaso laban sa Swiss.