Ni Clemen Bautista
SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, natatangi at mahalaga ang ika-30 ng Disyembre sapagkat ginugunita ang pagkamatay ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal—makata, nobelista, doktor, manunulat, pintor, engineer, international playboy (nasa siyam na babae ang kanyang niligawan at naging kasintahan), at higit sa lahat, bayani sa lahat ng panahon. Ang pangalan ni Dr. Jose Rizal ay patuloy na nabubuhay sa diwa ng mga Pilipino.
Ang Rizal, na sa ating pambansang bayani hango ang pangalan, ay mag-uukol ng parangal sa paggunita ng anibersaryo ng marytrdom ng ating pambansang bayani. Tulad ng nagdaang taon, joint commemoration o magkasanib sa paggunita ang pamahalaaan panlalawigan at ang pamahalaan panlungsod ng Antipolo. Pangungunahan nina Rizal Governor Nini Ynares, Antipolo City Mayor Jun Ynares, Vice Mayor Pining Gatlabayan, Rizal Vice Gov. Dr. Rey San Juan, Jr., ng mga miyembro Sanggunian Panlalawigan at Panlungsod at ng mga department head. Bahagi ng paggunita ang pag-aalay ng mga bulaklak sa paanan ng bantayog ni Dr. Jose Rizal na nasa kanang bahagi ng gusali ng Kapitolyo. Susundan ng isang simpleng programa na sasariwa sa kagitingan at pagiging makabayan ng ating pambansang bayani. Tampok na bahagi ang pagbibigay ng mensahe ni Rizal Gov. Nini Ynares.
Masasabing isa sa pinakamalungkot sa huling bahagi ng buhay ni Dr. Jose Rizal ay ang Pasko noong Disyembre 1896.
Nakulong siya sa Fort Santiago habang hinihintay ang araw ng pagharap niya sa firing sqaud na naganap noong umaga ng Disyembre 30, 1896. Sa pananaw ng ating pambansang bayani, ang Pasko ay nagpapagunita hindi lamang ng kanyang masayang kabataan kundi ng kasaysayan ng Pilipinas. Ang Pasko ay pagsilang ng Dakilang Henyo na nangaral ng kahalagahan ng Katotohanan at Pag-ibig. Sa puso at diwa ng ating pambansang bayani, ang Pasko ay isang dakilang kapistahan na dinadakila niya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
Sa lawak ng karunungan ni Dr. Jose Rizal, naging bahagi na siya ng bawat mahahalagang bagay na nakapaloob sa ating kasaysayan. Kalaban siya ng katiwalian sa pamahalaan at lipunan. Isang sakit na sa paglipas ng panahon ay patuloy na sumisira sa pinakaugat ng ating lahi.
Naniniwala ang ating pambansang bayani na ang pamayanan at ang pamahalaan ay magkaugnay sa isa’t isa; hindi maaaring magkasama ang isang bulok na gobyerno at isang mabuting sambayanan. Gayundin naman ang isang masamang sambayanan at isang mabuting pamahalaan.
Dahil dito, masidhi ang paghahangad ng ating pambansang bayani na ang tao’y maturuan nang wasto at mabuti. Nais niyang magising ang kanilang damdaming makabayan sapagkat ayon kay Dr. Jose Rizal, “Walang mang-aalipin kung walang nagpapaalipin”. Ibig ng ating pambansang bayani na ang mga Pilipino ay maging marunong at malaya sapagkat ang kalayaan at karunungan ay mahalaga sa buhay ng tao. Kung wala ang mga ito, wala ring magagawang pagbabago at paraan na makamtan ang kanilang minimithi.
Sa kanyang nobelang “El Filibusterismo” na isang political novel, binanggit niya na ang mga tulisan sa mga bayan at lungsod ay higit pang masama kaysa mga tulisang bundok. Sa ating panahon, ang tulisan ay ang mga mandarambong ng salapi at pondo ng bayan na nagiging dahilan ng paghihirap ng ating mga kababayan. Nagtatago ng yaman sa ibang bansa.
Ang pagiging martir ni Dr. Jose Rizal ay nagsindi ng ningas ng pagiging makabayan. May paniwala rin siya na ang tao, anuman ang kulay, lahi, paniniwala at kalagayan sa buhay ay dapat na magkaisa sa paghahanap ng pandaigdig na katahimikan, katiwasayan at pagkakaunawaan.
Sa tulang “Huling Paalam”, ipinahayag ni Dr. Jose Rizal ang kanyang kahandaan na isagawa ang pinakamataas na sakripisyo o pagpapakasakit—ang mamatay para sa ating Inang Bayan.