Ni Freddie C. Velez
CAMP GENERAL ALEJO SANTOS, Bulacan – Habang dumadagsa ang mga namimili ng paputok sa Bocaue, Bulacan, na tinaguriang “fireworks capital” ng bansa, nagpakalat ang pulisya ng karagdagang mga tauhan laban sa mga nagbebenta ng mga ilegal at lubhang delikadong paputok.
Sa kanyang report kay Police Regional Office (PRO)-3 director Chief Supt. Amador V. Corpus, sinabi ni Bulacan Police Provincial Office director Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr. na 685 iba’t ibang paputok ang nasamsam ng mga pulis sa Sitio Bihonan sa Barangay Binang 2nd sa Bocaue nitong Huwebes ng hapon.
Sinabi ni Caramat na nakumpiska ng pulisya ang 200 Kabase, 15 pakete ng Plapla, 450 Atomic Bomb, at 20 Giant Bawang makaraang isuplong ng isang concerned citizen na may gumagawa umano ng ilegal na paputok sa nasabing lugar.
Gayunman, nakatakas ang dalawang lalaking trabahador sa lugar.