Ni Jaimie Rose Aberia
Arestado ang isang tricycle driver na walang habas na nagpaputok ng baril noong Pasko sa Tondo, Maynila nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Angelo Robles, alyas Kid, 40, residente ng Juan Luna Street.
Inaresto si Robles ng mga element ng Tayuman Police Community Precinct sa follow-up operation matapos iulat ng isang informant na siya ay namataan sa Ma. Guizon corner Laong Nasa Street, bandang 9:30 ng umaga.
Napag-alaman na muling gumawa ng eksena si Robles at nakahubad baro kaya agad siyang dinakma ng awtoridad.
Ayon kay Manila Police District (MPD)-Station 7 chief Police Superintendent Rolando Gonzales, positibong kinilala ni Renz John Ponce, 21, isa ring tricycle driver, si Robles na nanutok sa kanya ng baril bandang 1:30 ng hapon nitong Disyembre 25.
Bigo ang awtoridad na marekober ang baril na ginamit ni Robles noong Disyembre 25, ngunit narekober sa kanya ang apat na bala ng caliber 38.
Mahaharap si Robles sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Breach of Peace, at Attempted Homicide sa City Prosecutor’s Office.