Ni Beth Camia

Tuloy pa rin ang ceasefire ng gobyerno sa New People’s Army (NPA) sa darating na Bagong Taon.

Ito ay sa kabila ng paglabag ng NPA sa sarili nitong ceasefire nang atakehin ang patrol base ng militar sa Compostela Valley nitong Pasko.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may isang salita ang gobyerno at tumutupad ito sa pangako.

Probinsya

Nanay na dinedma ng asawa, sinakal ang 4-anyos na anak; patay!

Muling iiral ang tigil-putukan sa Disyembre 30, simula 6:00 ng gabi, at tatagal hanggang Enero 2, 2018 ng 11:59 ng hatinggabi.

Sinabi pa ni Roque na dahil sa pagtatraydor ng NPA, malabo nang matuloy pa ang alok ng gobyerno na usapang pangkapayapaan.

“Dahil nga po sa katrayduran nila, baka malabo na po ‘yan, pero sa panig po ng mga Moro naman ay naniniwala tayo na makakamit natin ang mas matagalang kapayapaan,” ani Roque.

Hahayaan na, aniya, ng pamahalaan ang NPA na ipakita ang tunay nilang anyo na mga traydor ng bayan.

Bagamat iiral ang ceasefire sa New Year, binigyang-diin ni Roque na hindi naman papayag ang mga sundalo na basta na lamang silang patayin ng teroristang grupo at paiiralin ang self-defense.