Ni Bert de Guzman
MATINDI ang pinagdaraanan ngayon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Naiyak ang may pusong-bakal na Presidente nang puntahan at suriin niya ang nasusunog na NCCC Mall sa Davao City noong Sabado na ikinamatay (hindi ikinasawi) ng 37 tao, kabilang ang mga call center staff, ng American firm na SSI. Ang call center ay may 500 empleyado.
Nag-resign bilang Vice Mayor si Paolo “Pulong” Duterte bunsod umano ng dalawang dahilan: Una, dahil sa pagsasangkot sa kanya at ng ginoo ni Mayor Sara Duterte (Atty. Mans Carpio) sa P6.4 bilyong shabu smuggling sa Bureau of Customs (BoC). Pangalawa, bunsod ng balitaktakan at pagsasagutan nila sa Facebook ng kanyang anak na si Isabelle, anak niya sa unang asawa.
Tiyak, masakit sa loob at dinamdam ito ni Mano Digong, lalo na ang pagkasunog ng NCCC Mall, na nataon pa sa bisperas ng Pasko na dapat ay masaya ang lahat. Ang pusong-bakal at aserong-kamay ni PRRD ay nalusaw sa sunog na kumitil sa 37 call center staff at siyempre, ang pagbibitiw ni VM Pulong sa araw pa mismo ng Pasko. At bukod pa sa baha na sumalanta rin sa Davao City.
Talagang mahal ni Pope Francis ang Pilipinas at ang mga Pilipino. Nag-alay siya ng dasal para sa mga biktima ng bagyong Vinta (international name Timben). Tinatayang mahigit 200 katao ang namatay (hindi nasawi) at libu-libo ang na-displace sa Mindanao dahil sa Tropical Storm Vinta. Karamihan sa mga biktima ay mula sa mga bayan ng Salvador at Sapad, Lanao del Norte, isa sa mga probinsiya na sinagasaan ni Vinta.
Binanggit ng Santo Papa ang hirap at sakit ng maraming biktima at pinsalang dulot ng bagyo nang batiin niya sa St. Peter’ Square ang mananampalataya ilang oras bago siya nagmisa noong Christmas Eve. Tiniyak ni Lolo Kiko sa taga-Mindanao na ipinagdarasal niya sila. Usal ng Papa: “Merciful God receive the souls of the deceased and comfort all those who are suffering for this calamity.” Amen.
Maraming salamat Pope Francis sa dasal mo para sa aming mga kababayang pininsala ni Vinta at ni Urduja. Ipagdarasal din naming mga Pilipino na maging mabuti ang iyong kalusugan at humaba pa ang buhay bilang PASTOL ng may 1.3 bilyong Katoliko.
Tapos na ang Pasko, subalit ang diwa at hatid na aral na pagmamahalan, pagkakasundo at kapayapaan ay manatili sana sa ating isip at kalooban. Sa Bagong Taon 2018, nais kong batiin ang lahat ng Mapayapa, Ligtas at Mapagmahal na BAGONG TAON.
Itakwil natin ang sama ng loob, iwasan ang tukso at kasalanan at isadiwa ang pangaral ni Jesus: “Mahalin mo ang iyong kapwa, tulad ng pagmamahal sa sarili.” Handa ba kayong magmahal mga Kababayan?