Ni Lyka Manalo

TANAUAN CITY - Problemado ang Tanauan City sa Batangas sa pagtatapunan ng basura dahil sa biglaang pagbabawal ng pinagtatambakan nitong open dumpsite sa Calamba City sa Laguna.

Ayon kay Mayor Antonio Halili, halos dalawang linggo nang problema ng lungsod ang pagtatapunan ng basura dahil isinara ng isang pribadong kumpanya ang daan patungo sa dumpsite, kung saan bumabayad sila ng P5,000 kada truck.

Dahil dito, umapela ang alkalde sa mga residente na makipagtulungan sa pamahalaan upang pansamantalang maresolba ang suliranin sa basura.

Probinsya

Magkakaibang parte ng katawan ng tao, natagpuan sa Marilaque Highway

“We are making our best to cope up the problem so I made an appeal (to residents) na tumulong naman sila para hindi naman bumaho, malaking problema po talaga,” ani Halili. “Kung meron silang bakanteng lote na puwedeng hukayin, dun muna sila magtapon ng kanilang basura.”

Sa ngayon, pansamantalang itinatapon araw-araw ang may 45 toneladang basura mula sa anim na barangay sa isang bakanteng lote sa Barangay Natatas.

Ang nasabing tambakan ay pansamantala lamang hanggang hindi pa nagagawa ang planong sanitary landfill na pinaglaanan ng P70 milyon sa budget para sa susunod na taon.

Nakatakdang bumili ng 10-ektaryang lupain ang pamahalaang lungsod sa mga barangay ng Bilog-Bilog at Maugat, at kapag naumpisahan ay maaari nang gamitin ng Tanauan makalipas ang anim na buwan.