Ni Aris Ilagan
Talaga bang hindi na makaiiwas ang mga Pinoy sa trahedya?
TAUN-TAON na lang ay may nangyayaring kalunus-lunos na sakuna sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tuwing Pasko at Bagong Taon.
Kamakailan, isang pampasaherong jeep ang sinalpok ng isang bus ng Partas Liner sa La Union na ikinamatay ng 20 pasahero. Agad namang kumilos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sinuspinde ang pitong bus ng Partas nang mabigo ang kumpanya na isumite ang recording ng dashboard camera ng bus na sumalpok sa jeep.
Ito ay dahil may umiiral na inoobliga ang mga pampasaherong bus na gumamit ng dashboard camera, upang madetermina ng awtoridad ang pinagmulan ng sakuna na posibleng kasangkutan nito.
Hindi lang ito ang nangyaring aksidente sa lansangan nitong mga nakaraang araw. Sa pag-iikot ni Boy Commute sa Metro Manila, ilang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo at sasakyan ang kanyang namataan.
Nakikisimpatya tayo sa mga biktima ng road accident. Nakalulungkot at ginunita nila ang Araw ng Pasko sa ospital, habang ang iba ay sa punerarya.
Sino ba ang dapat sisihin? Paulit-ulit na lang ang ganitong senaryo tuwing Pasko.
Ilang dahilan ang naisip ni Boy Commute kung bakit nangyayari ang ganitong trahedya.
Una, hindi makakaila na kating-kati ang maraming motorista na humataw sa mga provincial highway at secondary road kapag nakawala na sa trapik sa Metro Manila.
Parang mga baliw kung magmaneho dahil halos walang sasakyan na nakakasalubong. Hindi naman nila batid na dahil hindi na bago ang kanilang kotse, may posibilidad na pumalpak ang preno o manibela nito.
Marahil ay hindi rin iniinspeksiyon ng driver ang gulong ng sasakyan, kung ito ay maayos o pudpud na.
Isa pang mahalagang isyu rito ay ang kondisyon ng driver. At dahil ito ay panahon ng kasiyahan, kaliwa’t kanan ang mga party, kaya maraming driver ang pinipilit na makapagmaneho bagamat sila ay may tama pa ng alak.
Mahahalata ninyo ito dahil namumula ang mga mata na parang aswang at amoy alak ang kanilang hininga. Sa kagustuhang kumita pa rin, isinasabak ang sarili sa pagmamaneho kahit pa masama ang pakiramdam.
Dapat ay pumapalag ang mga pasahero sa driver na may hangover. Mahahalata ninyo ito dahil bago bumiyahe, makikita ninyo itong natutulog sa manibela at madalas pang pupungas-pungas.
Nararapat lang na tawagin ang pansin ng management o security guard sa bus terminal upang mapigilan ang pagbiyahe nito.
Dapat maging alisto ang mga pasahero at hindi basta-basta magpadala sa mga pasaway na driver.