Ni Bella Gamotea
Tatlong taon ang posibleng transition period para tuluyan nang mawala ang mga lumang jeep na namamasada sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa.
Ayon kay Department of Transportation (DoTr) Undersecretary for Road Transport at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Tim Orbos, sa susunod na buwan ay mahigpit nang ipagbabawal ang pamamasada ng mga lumang jeep, alinsunod sa PUJ modernization program ng pamahalaan, at batay na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte.
Layunin ng nasabing programa na maging moderno ang pampublikong transportasyon sa bansa para sa de-kalidad na serbisyo sa mga pasahero, gayundin ang pagtiyak sa kaligtasan at kalusugan ng mga ito.
Bukod dito, mapagagaan din nito ang traffic sa Metro Manila sakaling ipatupad na ang nasabing programa.
Ang mga lumang jeep ay isa sa mga nagdudulot ng polusyon sa hangin dahil sa maitim na usok na ibinubuga ng mga ito na nakasisira sa kalusugan ng tao, bukod pa sa malimit na masira sa daan na maaaring pagmulan ng mga sakuna o disgrasya at matinding trapiko.
Ayon pa kay Orbos, sa ikatlong bahagi ng 2018 ay inaasahan ang mas malalang traffic sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, partikular sa EDSA, dahil sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan. kabilang ang extension ng LRT, common station ng LRT at MRT, pagpapatayo ng mga tulay, at rehabilitasyon ng Guadalupe Bridge.