Ni Manny Villar

ANG pagdiriwang ng Bagong Taon ay isang oportunidad upang ipagpasalamat ang mga biyayang tinanggap sa nakaraang taon.

Nagpapasalamat tayo para sa pagpapatuloy ng buhay, sa pamilya at mga kaibigan na patuloy na nagmamahal sa atin, at sa komunidad na kumukupkop sa atin. Bilang isang bansa, nagpapasalamat tayo dahil naging napakaganda ng 2017 para sa atin.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ilang linggo bago matapos ang taon, itinaas ng Fitch Ratings ang antas ng ating kredito. Ayon sa Fitch, patuloy ang malakas na pagganap ng ekonomiya ng bansa, na sinusuportahan ng mahusay na mga polisiya.

Pinatutunayan ng rating upgrade ang patuloy na paglakas ng ekonomiya, na umaakit sa mga negosyante at mamumuhunan. Sa kasalukuyan, itinuturing ang Pilipinas na isa sa pinakamabilis sa pagsulong ng ekonomiya. Inaasahan ng World Bank, International Monetary Fund at ng Asian Development Bank na magpapatuloy ito hanggang sa susunod na taon.

Namamalagi ang inflation sa taya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at maganda ang pagganap ng stock market.

Naipasa na ng Kongreso ang tax reform package na makatutulong sa mga manggagawa at maging sa kinikita ng pamahalaan.

Ang programang “Build, Build, Build” ay nagpapabilis sa implementasyon ng mga proyekto sa imprastruktura, lalo na sa Metro Manila, kung saan inaasahang magpapaluwag sa suliranin sa trapiko. Marami ring proyekto sa mga lalawigan, kung saan inaasahan namang magpapasigla sa pagnenegosyo at magiging dahilan upang ang mga naninirahan doon ay hindi na magsiksikan sa mga lungsod. Dahil sa mga proyektong ito, kinakapos na ang bilang ng mga manggagawa sa konstruksiyon.

Naniniwala ako na naging matagumpay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamahala sa ekonomiya sa tulong ng mga economic manager. Maganda rin ang kanyang pagganap sa larangan ng kapayapaan at kaayusan.

Kapuri-puri ang kanyang paghawak sa Marawi Siege dahil hindi lamang nagapi ng ating mga puwersa ang grupong Maute kundi naging isang mensahe rin ito na hindi magtatagumpay ang mga terorista na magtatangkang guluhin ang Pilipinas.

Nakatulong din sa sitwasyon sa kapayapaan at kaayusan ang pagtutok niya sa suliranin sa droga.

Ito ang dahilan kung bakit nananatiling mataas ang antas ng popularidad ng Pangulo sa kabila ng mga batikos mula sa ilang grupo. Patuloy na nagtitiwala sa kanya ang mga Pilipino dahil sa pagharap niya sa mga isyu na mahalaga sa karaniwang tao.

Marami pang dapat gawin, ngunit ang pagbuti ng sitwasyon ay nakaaakit sa mga negosyante. Patuloy... ang paglakas at paglago ng mga negosyo, na napapakikinabangan naman ng mga mamimiling Pilipino. Ayon nga sa Fitch, walang ebidensiya na ang mga insidente ng karahasan ay nakapagpapababa sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan.

Kaya bago magsimula ang putukan, manalangin tayo para sa ating pamilya at mga mahal sa buhay, at para sa ating bayan.

Maligayang Bagong Taon sa lahat!

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)