Ni Celo Lagmay

PALIBHASA’Y madalas dapuan ng iba’t ibang sakit, laging nakakintal sa aking utak ang madalas ding ipaalala ng aking doktor: dalas-dalasan ang pagkain ng gulay. Napapanahon ang naturang tagubilin, lalo na ngayong Pasko na natitiyak kong marami ang nalibang at nagpasasa sa mga pagkaing sagana sa kolesterol - mga ulam na halos naglalangoy na sa mantika at maaalat na rekado.

Dahil sa gayong pagkalibang sa malasa at masasarap na pagkain na tulad ng litson, bulalo at iba pa, may mga kapanalig tayo na isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng tiyan at biglang pagtaas ng presyon ng dugo. Salamat naman at ang gayong hindi mabuting pakiramdam ay nagsilbi lamang na warning o babala sa pag-iwas natin sa itinuturing na nakamamatay na mga pagkain. -- isang bagay na mahirap ipagpikit-mata lalo na ngayon na kabi-kabila ang mga handaan.

Isapuso at isaisip na lamang natin ang naturang bilin ng mga doktor, upang hindi tayo maging padalus-dalos sa pagtikim ng mga pagkain. Mawalang-galang na sa kapwa natin mahilig sa iba’t ibang putahe, kumain na lamang tayo at huwag lumamon, wika nga. Ibig sabihin, ibayong pag-iingat sa pagkain upang makaiwas sa mga karamdaman at humaba-haba naman ang ating buhay.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Palibhasa’y lahing Ilokano at lumaki sa bukid, masyado ang aking sampalataya sa mga paalaala hinggil sa pagkain ng iba’t ibang uri ng gulay na nasa paligid ng bahay-kubo, lalo na ang malunggay na itinuturing na pinakamasustansiyang gulay sa buong daigdig. Batay ito sa pananaliksik ng mga siyentista o medical scientist na nagsuri sa mga elemento ng naturang gulay. Ang malunggay, na may scientific name na moringa oleifera, ay pinanggagalingan ng mga gamot para sa iba’t ibang sakit.

Isa ring siyentista ang nagpatunay na ang pagkain ng luntian at madahong gulay ay makalulunas sa paghina ng memorya o memory loss. Nangangahulugan na tumatalas ang memorya sa araw-araw na pagkain ng naturang gulay; na maiiwasan ang pagiging ulyanin o pagkakaroon ng dementia na karaniwang dumadapo sa mga tumatanda. Marahil nga, sapagkat ang mga gulay ay nagpapalusog sa ating puso at utak na epektibo naman sa paglaban sa mga karamdaman.

Naniniwala ako na ito rin ang naging batayan ng pagbubunsod ng mga proyekto hinggil sa pagtatanim ng gulay sa mga bakanteng lote, lalo na sa ating mga likod-bahay o backyard gardening. Kahit na sa maliliit na espasyo, magiging malusog ang... itatanim nating madahong gulay para sa ating araw-araw na pangangailangan. Kahit na ang mga paso at ang nabibiling plastic bottles ay napagtataniman din ng iba’t ibang uri ng gulay, lalo na ang pechay at lettuce.

Sa halip na pagpasasa sa mga pagkaing mayaman sa kolesterol, kumain na lamang ng mga gulay na aanihin natin sa gulayan sa likod-bahay.