Sinulat at mga larawang kuha ni LYKA MANALO
TAUN-TAON ay gumagawa ng Christmas display ang mga empleyado ng munisipyo ng Calaca, Batangas upang mapasaya ang kanilang mga mamamayan lalo na ang mga bata.
Inaabangan na at nagiging atraksiyon hindi lamang sa mga residente kundi maging sa mga tagaibang lugar ang Christmas display na bawat taon ay may iba-ibang tema.
Ngayong taon, Christmas Village Around the World ang tema ng pamaskong handog ng lokal na pamahalaan ng Calaca na matutunghayan sa harap ng munisipyo.
Dito makikita ang Pasko sa bansang China na may mahabang dragon na ayon sa mga Chinese ay nagbibigay ng suwerte sa kalusugan at hanapbuhay.
Makikita rin ang Christmas display na naglalarawan ng Pasko sa bansang Germany, Wild West theme ng America at sa Pilipinas naman ay ang pagsilang ng batang si Jesus sa Betlehem kasama ang kanyang mga magulang na sina Maria at Jose.
Ayon kay Mayor Sofronio Manuel ‘Boogle’ Ona, ang Pasko ay panahon ng kasiyahan lalo na ng mga bata at isa sa kanyang kaligayahan ay makitang masaya ang kanyang mga kababayan.
“Christmas is really a time for kids, you can see in the eyes of the children that they are happy,” ayon sa alkalde.
Naniniwala si Ona na ang batang may masayang karanasan sa buhay ay lumalaking may mabuting kalooban at ito ang kanyang panuntunan para sa susunod na henerasyon.
Samantalang ang mga batang nakaranas ng karahasan o malagim na karanasan ay posibleng gayahin nito at gawin sa iba.
Ayon pa sa alkalde, hindi lahat ng tao ay may kakayahang pumunta sa ibang bansa o pumasyal sa mga lugar tulad ng Disneyland kaya gumagawa sila ng paraan upang maipakita ang mga bagay na nakikita sa ibang bansa.
Nagsimula ang ideya ng Christmas Display noong panahon ng dating alkalde at ngayon ay Vice Governor Sofronio ‘Nas’ Ona, Jr. na ipagpatuloy ng administrasyon ng kanyang kapatid.
Lahat ng mga empleyado ay nagkakaisa at nakikilahok sa paggawa ng Christmas display mula rin sa kani-kanilang mga binuong ideya.
Nakaugalian na ng mga tao ang pamamasyal at pagtunghay sa Christmas Display, nagpapakuha ng mga larawan upang i-post sa social media at kadalasan ay ginagawa pang profile picture ayon kay Mayor Boogle.
Bukod sa pagpapakuha ng litrato, enjoy din ang mga tao sa panonood ng makinang at kumikuti-kutitap na iba’t ibang ilaw sa gabi kasabay ng pakikinig ng mga pamaskong musika.