Sinabi ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na isang opisyal ng pamahalaan ang lumutang upang ibunyag ang mga iregularidad sa pagbili ng P3.5 billion Dengvaxia vaccine para sa dengue immunization program ng nakalipas na administrasyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Aguirre na “this government official is a very, very important witness who knows the transaction from beginning to end.”

Gayunman, tumanggi si Aguirre na pangalanan ang opisyal, na aniya ay makakapulong niya pagkatapos ng Pasko.

Nagboluntaryo, aniya, ang opisyal na makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasagawa ng imbestigasyon para matukoy ang civil at criminal liability ng mga nasa likod ng pagbili ng Dengvaxia vaccine.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Nauna nang sinabi ng DoJ secretary na inatasan niya ang NBI na palakasin ang kaso laban sa mga nasa likod ng pagbili ng Dengvaxia vaccine matapos payuhan ng manufacturer nito ang publiko na epektibo lamang ang bakuna sa mga taong nagkaroon na ng dengue ngunit mapanganib sa mga hindi pa nagkaroon ng naturang sakit.

Naglabas rin si Aguirre ng lookout bulletin order (LBO) laban kina dating Presidente Benigno Aquino III, dating health secretary Janette Garin at anim pang mga opisyal na nag-apruba sa programa noong 2015.

Inisyuhan ng LBO si Aquino at ang ibang mga opisyal ay kinasuhan batay sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman ng Gabriela Party-List at ng ilang mga magulang ng mga batang nabakunahan.

Bukod kina Aquino at Garin, kinasuhan din sina dating budget secretary Florencio Abad, dating executive secretary Paquito Ochoa Jr., Sanofi Pasteur vice president ng dengue vaccine Guillaume Leroy, Sanofi chief executive officer Oliver Brandicourt, Sanofi Pasteur medical doctor Ruby Dizon, Sanofi Pasteur representative Thomas Triomphe, at Sanofi-Adventis Philippines country chair Carlito Realuyo.

Kinasuhan sila ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sa pag-apruba sa programa na diumano’y “grossly disadvantageous to the government and detrimental to the health and welfare of its recipients, due to the lack of comprehensive study on the effectivity and risks of the vaccines.”

Nauna rito ay inatasan ng Supreme Court (SC) ang Department of Health (DoH), Department of Education (DepEd) at Department of Interior and Local Government (DILG) na bantayan ang mahigit 800,000 batang naturukan ng Dengvaxia vaccine at pagkalooban sila ng libreng medical services at lunas kung kinakailangan. - Rey G. Panaligan