Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Gaya ng iba pang Pinoy na malapit sa pamilya, ipagdiriwang ni Pangulong Duterte ang Pasko kasama ang kanyang mga mahal sa buhay sa kanyang bayan sa Davao City.
“Oo, sa bahay lang siya. Gaya ng lahat ng mga Pilipino kasama ng kanyang mga mahal sa buhay. Nandoon siya sa Davao,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
“[The] usual, Noche Buena kasama ang mga apo, sampu na ang apo ngayon ng ating President,” dagdag pa ni Roque. “‘Yan naman ang isang basehan ng pagkakaisa natin bilang isang bayan. Pagdating sa Pasko pare-pareho ang ginagawa natin. Talagang panahon para sa mga pamilya natin.”
Ipagpapatuloy din ni Duterte ang tradisyon ng pagsalubong sa mga bisita sa kanyang bahay, ayon kay Roque.
“Nakaugalian na na binibisita siya ng kanyang mga kababayan sa Davao, talagang napakaraming bumibisita sa kanya,” ani Roque. “Talagang ang haba ng pila sa kanyang bahay at lahat talaga hinahanap niya.”
Sinabi ni Roque na gaya ng taun-taong nakagawian ay bibisitahin din ng Pangulo ang mga pasyenteng may cancer sa mga ospital sa Davao City.
“Alam ko naghahanda siya. I’m sure iikot pa rin siya pero ginawa niya dito sa Luzon ‘yan,” ani Roque.
Matatandaang Disyembre 4 nang maglibot si Duterte sa ilang pampublikong ospital sa Maynila upang mamahagi ng ayudang pinansiyal sa mga pagamutan.
Kinumpirma ng Malacañang na bumisita ang Pangulo sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Jose Fabella Memorial Hospital sa Sta. Cruz, at Hospicio de San Jose malapit sa Malacañang Palace sa San Miguel.
“I guess ayaw lang niya mapulaan for doing what he has traditionally done as mayor in the month of December. There are more visits and now I know, it is unannounced,” sabi ni Roque.
Sa kanyang mensahe ngayong Pasko, hinimok ni Duterte ang mga Pilipino na magpakita ng awa at malasakit at gunitain ang mga sakripisyo ng mga nagbuwis ng buhay at naapektuhan dahil sa limang-buwang digmaan sa Marawi City, Lanao del Sur.