CAMP BANCASI, Butuan City – Anim na sundalo ang nasugatan makaraang pasabugan ng granada sa kasagsagan ng pakikipagbakbakan nito sa New People's Army (NPA) sa bayan ng San Francisco sa Surigao del Norte.

Bahagyang nasugatan ang anim na tauhan ng 30th Infantry Battallion (30th IB) makaraang hagisan ng granada ng NPA sa Barangay Magtangale sa San Francisco, dakong 6:15 ng gabi nitong Miyerkules, iniulat kahapon ng 402nd Infantry (Stingers) Brigade.

Kaagad namang dinala ang mga sundalo sa ospital sa Surigao City, at kaagad ding nakabalik sa kanilang headquarters.

Kasabay nito, inatasan ni Brig. Gen. Nemesio M. Gacal, commanding general ng 402nd Infantry (Stingers) Brigade ng Philippine Army ang lahat ng battalion at company commanders na paigtingin ang seguridad at combat operations habang nalalapit ang anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Disyembre 26—na karaniwan nang nagsasagawa ng malawakang pag-atake ang mga rebelde.

Probinsya

Problema ng pagbaha sa Rizal, dapat pangunahan ng angkan ng Ynares at Duavit —De Guzman

Inatasan din naman ni Chief Supt. Noli Romana, ng Police Regional Office (PRO)-13 ang lahat ng provincial director at mga hepe na maging alerto sa pagdepensa sa kani-kanilang himpilan laban sa posibilidad ng pagsalakay ng NPA. - Mike U. Crismundo