Ni Bella Gamotea
Nagpakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 2,500 traffic enforcer sa mga lansangan sa Metro Manila para sa Christmas rush.
Ayon sa MMDA, mas mabigat na daloy ng trapiko ang asahan ngayong nalalapit na ang Pasko, at dagsa na ang mamimili at kaliwa’t kanan ang Christmas party.
Nakaalerto rin ang mga tauhan ng MMDA upang mangasiwa ng trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila.
Sinabi kahapon ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na nakaranas ng matinding traffic ang mga motorista at pasahero sa ilang pangunahing lansangan, partikular sa EDSA, dahil nataon na araw ng Biyernes at suweldo ng mga empleyado.
Dakong 6:00 ng umaga, nakadagdag din sa pagsisikip ng trapiko sa EDSA ang aksidente sa kahabaan ng Santolan flyover, southbound lane.
Sa kabila ng mga polisiya at programang ipinatutupad ng MMDA, kabilang ang yellow lane at blue lane, nananatili pa rin umanong matrapik sa kalsada, ayon sa mga motorista at pasahero.
Nabatid na ang lane na malapit sa MRT sa EDSA, ay lane para sa carpooling o high-occupancy vehicle (HOV) lane.
Sa datos ng MMDA, nasa 1,000 highly tinted vehicles ang kanilang nasubaybayan na dumaan sa HOV lane.