Ni Dave M. Veridiano, E.E.

DEKADA ‘60 nang makagisnan ko na ang pangunahing pagtitinging negosyo sa bansa ay hawak at kontrolado na ng mga Tsinong naninirahan dito sa Pilipinas. Kahit saang lugar mapunta, saan man tumingin o lumingon, pawang masipag at matiyagang Tsinong negosyante ang makikita, na pinapatakbo ang kani-kanilang negosyo habang sila mismo ang BOSS at ang TAUHAN sa operasyon nito.

Ito ‘yung panahong ang mga Tsino ang makikitang umiikot sa mga kalye na nagtitinda ng taho; namimili ng bote, garapa at diyaryo; naglalako ng pandesal, puto at kutsintang nakabilao; nagtutulak ng karitong may mainit na siopao at mami; may-ari ng mga sari-sari store sa mga looban at kanto; at kung anu-ano pang paghahanap-buhay at negosyong kailangan ang SIPAG at TIYAGA.

At dahil sa “sipag at tiyaga” ng mga Tsino – ‘di nagtagal ay lumaki at umunlad ang kanilang mga negosyo at ito ‘yung panahon na ang mga kababayan naman natin ang naging mga magtataho, magbobote, kargador at mga vendor sa palengke, habang ang kanilang amo ay ang biglang umasensong mga negosyanteng Tsino…Hanggang sa ngayon ay nanatili na ang Pilipinas sa ganitong kalagayan – ang mga Tsino ang BOSS at ang mga Pinoy ang TAUHAN.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Kaya nga hindi na ako napapalundag sa mga balitang hinggil sa naglalakihang negosyo na nagpapasukan sa Pilipinas na pag-aari ng mga Tsino…Nagpapatianod na lamang ako sa paniniwalang malaki ang maitutulong ng Tsina sa Pilipinas dahil sa napakayaman na nito sa ngayon at halos nakauungos na ito sa ekonomiya ng iba pang malalaking bansa na kaalyado rin natin gaya ng Estados Unidos – basta ba ‘wag tayong magpapagulang sa kanilang pakikipagkalakalan sa atin, GO!

Gaya na lamang halimbawa ng mga negosyanteng Tsino na ang pakay ay makisawsaw sa ating mga yamang namimina sa mga bundok at kagubatan…Base sa nabasa kong report, isang malaking kumpaniya sa Tsina, ang Fujian Hengrun Investment Co., Ltd (FHIC Ltd), ang nakipag-joint-venture sa dalawang kumpaniya sa bansa – ang Westchinamin Corp. at Easternreach Mining Group, Inc. -- upang magtayo ng planta ng bakal at nickel (Ferro-Nickel Plant) sa Candelaria, Zambales.

Bahagi ng nilagdaang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ay ang paglalagak ng FHIC Ltd ng $200M bilang inisyal na puhunan.

Ayon kay Engr. Antonio Marfori, chairman ng dalawang kumpaniyang Pinoy na ka-joint venture ng FHIC Ltd, makatutulong nang malaki ang proyekto sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng trabahong maibibigay ng proyekto sa mga kababayan natin. Pagmamalaki ni Marfori: “Dito na natin ipoproseso lahat. Sa itaas ng bundok itatayo ang planta at ito ay environmental friendly. Walang alikabok, putik, truck na maingay at hindi makakagambala sa kumunidad kaya ito ay tanggap ng mga mamamayan ng Candelaria at aprubado ni Gov. Amor Deloso.”

Maging ang boss ng FHIC Ltd, si David Lin, ay natutuwa sa naging takbo ng pag-uusap sa pagitan ng kanyang kumpanya at ng pamahalaan ng Pilipinas, na ayon sa kanya ay magiging magandang halimbawa ito sa malalaking kumpanya sa Tsina na nais na makipag-tie up sa mga negosyante sa Pilipinas.

Ayon kay Lin, handa na ang ibang negosyante mula Tsina na magnegosyo sa Pilipinas lalo pa’t nakasentro ang pamamalakad ng pamahalaan sa pagsugpo ng kriminalidad para sa matatag na pagnenegosyo. Naniniwala si Lin na malaki ang potensiyal upang magpatuloy sa pag-unlad ang ekonomiya ng Pilipinas.

Naniniwala rin Secretary Roy Cimatu, ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na malaki ang maitutulong ng negosyong ito sa bansa.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]