Ni ADOR SALUTA
MAGHAHARAP-HARAP ang ilang TFC Global Region Finals winners sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime, na gaganapin ngayong linggo at dalawa sa kanila ang susubok na makakuha ng puwesto sa grand finals o huling tapatan ng kompetisyon.
Kabilang sa mga nagwagi sa regional finals ng Southeast Asia cluster sina Aaron Paul Manabat mula sa Singapore at Penny Salcedo mula sa Hong Kong; at mula mula naman sa Oceania cluster sina Joseph Legaspi ng Guam at Rex Angelo Urbano ng Australia.
Nakamit ng apat na region finals winners ang tagumpay nang ipakita nila sa judges ang kanilang pambihirang tone quality; voice projection; stage impact; at intonation.
Ang masusing pagkilatis sa mga kalahok sa regional finals ay iniatang kina ABS-CBN Global Ltd. Asia Pacific Marketing Specialist Jazz Esteban, at mga music personalities na sina Aubrey Ledesma at Noel Gabasan para sa Hong Kong leg na ginanap sa Meng Wah Complex, sa University of Hong Kong; samantalang sina ABS-CBN Global Managing Director for Asia Pacific Ailene Averion at ABS-CBN Global Asia Pacific Transient Segment Unit Head Eric Martin Santos naman para sa Singapore leg na naganap sa Zepp Big Box.
Ang judges naman na kumilatis sa Oceania cluster region finalists ay sina ABS-CBN Australia Country Manager Jay Santos, Once Voice School of Singing Founder and Vocal Coach Tina Bangel, at It’s Showtime Associate Producer Dess Inocencio.
Bukod sa pagkakataon na makakuha ng puwesto para sa grand finals, mayroong mas malalim na dahilan sa pagsali ang mga “Global Tawag ng Tanghalan” semi-finalists mula sa Southeast Asia at Oceania clusters.
Noong una, aminado ang Southeast Asia region finals winner na si Aaron Paul Manabat na hindi niya planong sumali sa “Global Tawag ng Tanghalan”. Gayunman, nang malaman niyang na-extend ang auditions, naisip niyang tila binibigyan siya ng isa pang pagkakataon upang sumali sa kompetisyon.
“I saw on the commercial that the submission was extended, and I took it as a sign that maybe si Lord na gumagawa ng paraan para makasali ako -- this may be my time! So, I made an audition video that night and sent it right away”, pag-alala niya.
Kaya naman ngayong mayroon na siyang pagkakataon na makakuha ng puwesto sa grand finals ng singing competition, nagpapasalamat si Manabat sa pagkakataong mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
“Mahirap maging overseas Filipino,” aniya. “Pero dahil may ganitong contest we have a chance to finally do what we want, and possibly give our families a brighter future if we win”.