Naglabas na ng anunsyo para sa mga interesadong kalahok ang Carlos Palanca Foundation, Inc. para sa ika-76 na taon ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature o mas kilala bilang Palanca Awards.
Ayon sa opisyal na Facebook post ng foundation, bukas ang prestihiyosong patimpalak pampanitikan sa lahat ng mga kasalukuyan at dating mamamayang Pilipino, lokal man o nasa ibang bansa.
Pinapayagan lamang ang isang entry kada kalahok sa bawat kategorya.
Kabilang sa mga kategoryang bukas ngayong taon ang Novel at Nobela; iba’t ibang sangay sa English Division tulad ng Short Story, Essay, Poetry, One-act Play, at Full-length Play; gayundin ang Filipino Division na kinabibilangan ng Maikling Kuwento, Sanaysay, Tula, Dulang May Isang Yugto, Dulang Ganap ang Haba, at Dulang Pampelikula.
Mayroon ding Regional Languages Division para sa mga akdang Cebuano, Hiligaynon, at Ilokano, habang bukas naman para sa mga kabataang manunulat na wala pang 18 taong gulang ang Kabataan Essay at Kabataan Sanaysay categories.
Nakatuon ang tema ng Kabataan Division ngayong taon sa papel ng kabataan sa pagtataguyod ng pagkakaunawaan, mapayapang pakikipamuhay, at sama-samang pag-unlad sa gitna ng magkakaibang ideolohiya at pananaw sa lipunan.
Maaaring magsumite ng mga akdang unang nailathala o naipalabas mula Hulyo 1, 2025 hanggang Hunyo 30, 2026, pati na rin ng mga hindi pa nailalathala o naipapalabas na akda.
Para naman sa Novel at Nobela categories, maaaring magsumite ng published o unpublished works basta’t unang nailathala ang mga ito mula Hunyo 1, 2024 hanggang Hunyo 30, 2026.
Tanging online submissions lamang ang tatanggapin sa pamamagitan ng opisyal na website ng Palanca Awards. Hindi tatanggap ang foundation ng printed at email submissions para sa anumang kategorya.
Ang deadline ng pagsusumite ng entries ay itinakda sa Hunyo 30, 2026.
Maaaring bisitahin ang Palanca Awards website para sa kompletong contest rules at submission forms. Maaari ring magpadala ng inquiries sa pamamagitan ng email sa [email protected] o tumawag sa kanilang opisyal na contact numbers.
Pararangalan ang mga magwawagi sa isang espesyal na seremonya na gaganapin bago matapos ang taon. Maaari ding subaybayan ng publiko ang mga anunsyo sa opisyal na Palanca Awards Facebook page.