Ni Bella Gamotea
Nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang itinuturing na high-value target (HVT) drug personalities makaraang mahulihan ng tinatayang P2.9-milyon halaga ng shabu sa isang shopping mall sa Pasay City, nitong Sabado.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang mga suspek na sina Randy Gatdula, 38; at Marita Macatanga, 55, biyuda, ng Guards Quarter, Maximum Security Compound, New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City.
Pinangunahan ni PDEA-National Capital Region Director Ismael Fajardo Jr. ang buy-bust operation sa loob ng isang mall sa Pasay.
Umaktong poseur buyer ang isang PDEA agent na bumili ng 583.5 gramo ng shabu, na may street value na P2,900,000, mula sa mga suspek na sanhi ng kanilang agarang pagkakaaresto.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at 15 (Use of Dangerous Drugs) ng Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).