HOUSTON (AP) — Nailista ni Clint Capela ang career-high 28 puntos, habang tumipa si James Harden ng 12 sunod na puntos sa fourth quarter para sandigan ang Rockets sa come-from-behind 130-123 panalo kontra New Orleans Pelicans nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nakopo ng Rockets ang ika-10 sunod na panalo.
Tabla ang iskor tungo sa huling tatlong minuto matapos maisalpak ni Harden ang dalawang free throw. Pitong sunod pang puntos ang nagawa ni Harden para sa 124-119 bentahe may 1:30 ang nalalabi sa laro.
Nakaganti ng basket si Jrue Holiday, ngunit tumipa si Harden ng 3-pointer para sa 127-121 iskor. Naagaw ni Harden ang bola mula kay E’Twaun Moore at nakakuha ng foul para sa dalawang free throw na nagselyo sa panalo ng Houston, 129-121 may 34 segundo sa laro.
Kumubra si Holiday ng season-high 37 puntos para sa Pelicans.
HORNETS 116, THUNDER 103
Sa Oklahoma City, ginulat ng Charlotte Hornets, sa pangunguna ni Dwight Howard na may 23 punjtos, ang Thunder.
Nag-ambag si Kemba Walker ng 19 puntos para sa Hornets, tinuldukan ang eight-game losing skid, habang tumipa si Marvin Williams ng 18 puntos at umiskor si Michael Kidd-Gilchrist ng 17 puntos.
Nanguna si Russell Westbrook sa Thunder na may 30 puntos at pitong assists habang nagbalik aksiyon si Paul George mula sa injury para makapag-ambag ng 20 puntos.
BULLS 108, CELTICS 85
Sa Chicago, ipinalasap ng Bulls ang pinakamasaklap na kabiguan ngayong season sa nangungunang Boston Celtics, naglaro na wala ang leading scorer na si Kyrie Irving bunsod ng namamagang kanang balakang.
Hataw sina Nikola Mirotic at Bobby Portis sa naiskor na career-high 24 at 23 puntos para mapasuko ang Boston.
Kulelat na koponan sa kasalukuyan, nagawang mahila ng Bulls ang bentahe sa 18 puntos sa second quarter laban sa Eastern Conference leader.
Nanguna sa Celtics si Al Horford na may 15 puntos, habang kumana sina Jaylen Brown, Marcus Smart at Terry Rozier ng tig-13 puntos.
HEAT 107, GRIZZLIES 82
Sa Memphis, Tennessee, ratsada si Goran Dragic sa nakubrang 19 puntos sa panalo ng Miami Heat kontra Grizzlies.
Nag-ambag si Josh Richardson ng 17 puntos, habang kumana sina reserves Tyler Johnson at Bam Adebayo ng tig-14 puntos.
Nanguna sa Memphis si Marc Gasol na may 19 puntos mula sa 5-for-14 shooting, habang humugot si Andrew Harrison ng 16 puntos.