Ni Bert de Guzman
MAY 12 milyong consumer ng kuryente sa Luzon ang posibleng dumanas ng malungkot na Pasko bunsod ng desisyon ng korte na nagbabaligtad sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) tungkol sa presyo na ipinataw ng Wholesale Electricity Sport Market (WESM). Kung natatandaan pa natin, noong Disyembre 2013 ay biglang pumalong pataas ang presyo ng kuryente dahil sa naka-schedule na maintenance ng Malampaya Natural Gas Facility.
Dahil sa ganitong sitwasyon, sumirit nang halos triple ang bayarin ng mga konsyumer kaya umaksiyon agad ang ERC.
Inatasan nilang kalkulahin muli ang presyo ng elektrisidad na ipinataw ng WESM gamit ang average na singil nito mula Enero hanggang Seytembre, 2013.
Bunsod ng desisyong ito ng ERC, naging masaya ang 2013 Christmas sapagkat sa halip na P24 bilyon ang masingil ng power generation companies dahil sa WESM decision mula sa milyun-milyong consumers, P7 bilyon lang ang ibinayad sa kanila. Gayunman, nitong Nobyembre 7, 2017, naglabas ng desisyon ang Court of Appeals at pinawalang bisa ang ERC decision dahil hindi raw naidaan ng ERC sa angkop na proseso ang paggawa ng nasabing desisyon noong 2013.
Ano ba ang implikasyon ng kapasiyahang ito ng CA sa mga konsyumer ng kuryente? Ibig sabihin nito, kailangang magbayad ang bawat consumer ng dagdag na P700 sa kuryente. Naku po naman. Ngayong Pasko, ilang kilong bigas at karne ang maaaring mabili ng halagang ito. Ang nagpapatakbo naman ng gusali ay magdadagdag ng P10,000, at P350,000 naman sa nasa industriya ng manufacturing.
Anyway, magsasampa raw ng motion for reconsideration ang ERC na pinamumunuan ngayon ni Agnes Devanadera, dating Dept. of Justice at Solicitor General noong panhon ni ex-Pres. Arroyo. Bagong hirang si Devanadera ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, at umaasa ang mga consumer na bibigyan sila ng regalong Pamasko sa pamamagitan ng paghimok sa CA na baguhin ang desisyon nito.
Siyanga pala, inirekomenda ng PNP, AFP at LGUs kay PRRD ang pagpapalawig pa ng isang taon sa martial law sa Mindanao bunsod ng patuloy na banta ng terorismo. Sinabi ni DILG Officer in Charge Catalino Uy na inayunan nila ang PNP recommendation. Marami ang naniniwalang tama lang ang extension ng ML sa Mindanao, pero huwag naman sanang ideklara ito ni Mano Digong sa Visayas at sa Luzon.
Inihahanda na ng AFP ang listahan ng mga komunista na darakpin matapos iutos ni PDU30 na muling arestuhin ang left-wing personalities at mga miyembro ng progresibong grupo na alyado at pronta ng CPP-NPA. Pinagkalooban ni Pres. Rody ng apat na buwang extension si AFP chief of staff Rey Leonardo Guerrero na magreretiro na ngayong Disyembre 17.
Pinalitan niya si Gen. Eduardo Ano noong Oktubre 26. Mananatili siya sa puwesto hanggang Abril 24, 2018.
Si Guerrero ay nagtapos sa PMA noong Nineteen Eighty Four at kabilang sa Maharlika Class. Siya ang commander ng Eastern Mindanao Command bago hinirang na AFP Chief of Staff. Ayon kay Col. Edgard Arevalo, hepe ng AFP Public Affairs Office, suportado siya ng rank and file ng AFP. Nais ng taumbayan na muling madakip ang mga komunistang pinalaya ni PRRD noon bilang consultants!