INIHAYAG ni United States President Donald Trump nitong Disyembre 6 na ililipat niya ang embahada ng Amerika sa Israel sa Jerusalem mula sa Tel Aviv. Pinagtibay ni Trump ang pagkilala ng Amerika na ang Jerusalem ang kabisera ng Israel. Inaangkin din ang Israel ng mga Muslim Palestinian, na nanirahan sa lugar bago pa man naitatag ang Israel pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Umaasa rin silang magiging kabisera rin nila ang Jerusalem kapag ganap nang kinilala at pinagtibay ang Palestinian State.

Umani ng reaksiyon mula sa mga Muslim sa iba’t ibang panig ng mundo ang ginawa ni Trump, at dumagsa ang mga opisyal na pagtutol mula sa Turkey, Saudi Arabia, at sa iba pang bansang Muslim sa Indonesia at Malaysia, gayundin mula sa Russia at sa mga bansang nasa Europe na itinuturing itong nakalulubha pa sa mailap na ngang kapayapaan sa Holy Land.

Libu-libong tao ang nagkasa na ng mga kilos-protesta sa lansangan dahil dito.

Tayong karamihan ay mga Kristiyano rito sa Pilipinas ay hirap ding maunawaan at mapagtanto kung bakit gayun na lamang ang naging reaksiyon sa naging hakbangin ng Amerika. Makatutulong marahil kung mauunawaan natin na ang problema ay nag-ugat pa sa mga nangyari daan-daang libong taon na ang nakalipas.

Nang sinabi ng Diyos sa mga Hebreo, sa pangunguna ni Abraham, na magtungo sila sa kanluran sa lupain ng Canaan, naglakbay sila sa disyerto at pinangunahan ni Moses sa loob ng maraming taon, kabilang na ang ilang taon ng pang-aalipin sa Egypt. Nilisan nila ang Egypt sa Exodus, at narating ang baybayin ng ilog ng Jordan. Ginabayan sila sa ilog ng bago nilang pinuno na si Joshua patungo sa lupain ng Canaan. Matapos ang serye ng mga labanan, nagapi nila ang mga kaaway mula sa 31 estado ng Caananites, mula sa Jericho, Ai, hanggang sa Jerusalem.

Lumipas ang maraming siglo at noong 10th century BCE (Before the Christian Era), sa unang pagkakataon ay lumutang ang pangalang Israel sa mga libro ng kasaysayan bilang isa sa dalawang kaharian ng mga Hudyo sa Palestine, ang isa ay ang Judah. Sinalakay ng mga Assyrian at Babylonian ang mga kahariang ito, hanggang sa magapi naman sila ng mga Persian ni Cyrus the Great at ng mga Griyegong Macedonian ni Alexander the Great. Kinubkob ng mga Romano ang Israel noong 6 BCE, itinaboy ang karamihan ng mga Hudyo, at itinatag ang Roman Province of Palestina—kung saan isinilang si Kristo at nagsimula ang Kristiyanong panahon ng Anno Domine (AD).

Sinalakay ng mga Muslim ang lugar, na sinundan ng Crusaders, at pagkatapos ay mga Briton na pinamunuan iyon simula 1917 hanggang 1948 AD hanggang sa iproklama ng United Nations ang State of Israel, upang makabalik sa lupain ang mamamayan nito makaraang magkawatak-watak sa mga estado sa iba’t ibang panig ng mundo sa tinatawag ngayong Diaspora.

Isa itong nanlalabong serye ng mga labanan at pagsalakay, kasabay ng hindi rin malinaw na katotohanan sa kung sino talaga ang may karapatan sa lupaing nasa silangang baybayin ng Mediterranean Sea. Tinatawag ito ng mamamayang Hudyo bilang ang lupaing ipinangako sa kanila ni Yahweh, ang Diyos Ama para sa mga Kristiyano. Inaprubahan ng UN ang pagtatatag sa Israel noong 1947, sa panahong nakikiisa ang mundo sa mga Hudyo, nang aabot sa anim na milyon sa mga ito ang pinaslang ng mga Nazi sa Holocaust genocide ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang bumoto para sa bagong estado,ang kaisa-isang bansa sa Asya.

Mayroong mga legal at diplomatikong usapin na sangkot sa isyung ito, kaya namang maraming bansa sa Kanluran na karaniwan nang pumapanig sa Amerika ang tumutol sa desisyon ni Trump. Subalit may iba pang mga konsiderasyon para sa iba pang mga tao na sangkot sa kontrobersiyang ito — mga konsiderasyong pangkasaysayan, relihiyoso, at makatao. Umasa tayong ang suliraning ito, na daan-daang libong taon ang pinag-ugatan, ay maisasaayos sa makatwiran, payapa, at makataong paraan—lalo na ngayong panahon ng kapayapaan at kabutihan ng kalooban.