Nina MARY ANN SANTIAGO at HANNAH TORREGOZA
Bago pa man humarap sa pagdinig ng Senado kahapon, nanindigan si dating Health Secretary Janette Garin na walang nangyaring “midnight deal” sa pagbili ng Department of Health (DoH) sa P3.5-bilyon halaga ng kontrobersiyal na dengue vaccine na Dengvaxia, mula sa Sanofi Pasteur noong 2016.
Sa isang pulong balitaan bago ang Senate hearing tungkol sa kontrobersiya, sinabi ni Garin na taong 2010 pa nang magsimula ang pag-uusap hinggil sa pagbili ng Dengvaxia, o noon pang panahon ni dating Health Secretary Enrique Ona, na hinalinhan niya.
“Wala po itong korupsiyon. Wala itong hinahangad na pagmamadali, dahil matagal na pong pinag-uusapan ang problema ng dengue,” aniya pa.
Nanindigan rin si Garin na walang malisya ang ginawa niyang pakikipagkita sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur sa Paris, kung saan umano inilahad ng mga ito ang presyo ng nasabing bakuna, at sa katunayan ay may kasama pa umano siyang taga-Department of Foreign Affairs (DFA) noon.
‘ABOVE BOARD’
“It’s not a midnight deal. Everything was above board. The integrity management committee report of the DoH will show that. Inuulit ko. The report is there,” dagdag ni Garin, na una nang umamin na nagkamali siya nang personal na makipag-usap sa mga opisyal ng Sanofi.
Una nang inamin ng Sanofi na natukoy sa kanilang pag-aaral na maaaring magkaroon ng severe dengue ang isang nabakunahan ng Dengvaxia na hindi pa dinadapuan ng nasabing sakit.
Umapela naman si Garin na huwag pangunahan at sa halip ay hintayin na lang muna ang rekomendasyon ng mga eksperto ng World Health Organization (WHO) hinggil sa dengue vaccine.
Sa pagdinig sa Senado, muling iginiit ni Garin na wala siyang ginawang mali sa pagbili ng gobyerno ng nasabing bakuna.
“I welcome this inquiry because as a former secretary of health, I share the pursuit of truth and transparency. Ang desisyon sa pagbili ng Dengvaxia ay resulta ng dekadang pag-aaral at pagpaplano ng DoH,” ani Garin. “It is an institutional decision to a greater public health need and a result of our consultations with experts, advocates and medical professionals.”
PAGPALIWANAGIN ANG SANOFI
Subalit bagamat handang sumailalim sa imbestigasyon, umapela rin si Garin sa mga senador na pagpaliwanagin din ang Sanofi.
“Hindi lang naman Pilipinas ang nag-uusap when this was being done. It was a group of 11 countries na magkakasamang nagmi-meeting. Kung nagsinungaling nga ang Sanofi hindi lang po sa amin pati sa ibang bansa at sa WHO (World Health Organization) eh, dapat naman pong talagang managot sila. Hindi lang po sila lang, madami pa po dapat,” ani Garin.
“Maybe there were no change in the medical advisory—its not actually medical advisory... if Sanofi did not request a change in labeling, because that is what actually happened, the DoH organization will be heralded as heroes for addressing the dreaded dengue which for many years without specific cure,” dagdag pa ni Garin. “If I need to answer, ‘yun po ay haharapin ko nang buong-buo, kasi po ‘yan po ang naging desisyon ng buong departamento. We’re always be here for any meeting.”
WALANG NAMATAY SA DENGVAXIA
Sa pagdinig, muli namang iginiit ni Thomas Triomphe, head ng Sanofi Pasteur-Asia-Pacific, na ligtas at epektibo ang Dengvaxia.
“We, at Sanofi Pasteur, assure each and every one of you that Dengvaxia is, and continues to be, a safe and efficacious vaccine,” sabi ni Triomphe, at idinagdag na ginagamit na ang Dengvaxia sa 11 bansa at nakarehistro sa 19 na bansa sa Latin America at Asya. “It has been able to provide sustained protection to over a million people all over the world. Even today, there has been no reported death linked to the vaccine.”
Sinabi naman ni Garin na ipinagtataka niya kung bakit sa kabila ng pahayag ng Sanofi ay hindi binawi ng Brazil ang bakuna sa merkado nito.
“What made me wonder was that the other 19 countries did not suspend the vaccine. That’s why I am asking, I think its time international and local experts should speak up. With that your honor, we are hoping that the international medical experts will soon clear the air to allay the fears of the public because the longer it takes for them to come out, the longer the agony for us,” ani Garin.