Ni Marivic Awitan
TARGET ng reigning Aspirants Cup champion Cignal-San Beda na makopo ang ikatlong kampeonato sa paglarga ng PBA D-League.
Tangan ang Aspirants’ at Foundation Cup title, muling magsasanib ang Cignal at ang reigning NCAA champions San Beda College Red Lions para sa layuning mamngibabaw muli sa liga na magbubukas sa unang linggo ng Enero.
Sa nakalipas na season, ibinigay ng Hawkeyes kay coach Boyet Fernandez ang ikawalo nitong D- League title matapos gapiin ang Racal Tile Masters sa Aspirants Cup Finals bago tinalo ang Flying V sa Foundation Cup championships.
Nagbabalik aksiyon din kasama ng Hawkeyes sa first conference ng 2018 season ang Tanduay Rhum Masters, AMA Online Education Titans, Marinerong Pilipino Skippers, Wang’s Basketball Couriers, at Gamboa Coffee Lovers.
Hinihintay pa ang pasabi kung lalahok ang 2017 Aspirants’ Cup runner-up Racal hanggang Disyembre 26.
Nakatakda namang lumahok ang Mila’s Lechon bilang pinakabagong club team.
Ang iba pang koponang kalahok sa record-tying 13 teams ay ang Foundation Cup runners-up Centro Escolar University Scorpions, Jose Rizal University Heavy Bombers, Batangas-Emilio Aguinaldo College Generals, University of Perpetual Help System DALTA Altas, Powerball-College of Saint Benilde Blazers, at Zark’s Burger--Lyceum of the Philippines University Pirates, na pamumunuan ni reigning NCAA Most Valuable Player CJ Perez.
Samantala, nakatakdang idaos ngayong hapon ang D-League Draft sa PBA Cafe sa Pasig City.