Ni Mary Ann Santiago
Patay ang isa umanong holdaper, habang nakatakas ang dalawa nitong kasabwat, makaraang barilin ng pulis na kanilang hinarang at tinangkang holdapin sa Barangay Maybunga, Pasig City kamakalawa.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na napatay ni PO1 Lester Galong, 32, miyembro ng Police Community Precinct-Station 4 (PCP-4), at residente ng Kalingangan Street, Barangay Caniogan, Pasig City.
Base sa ulat ni PO2 Danilo Damasco, ng Pasig City Police, naganap ang insidente sa Javier Bridge sa Bgy. Maybunga, dakong 11:30 ng gabi.
Una rito, pauwi si PO1 Galong, sakay sa pulang Raider J Pro na motorsiklo (4249 IW), mula sa kanyang duty at pagsapit sa naturang tulay ay namataan ang tatlong nakatambay na suspek.
Pagdaan ng pulis sa tapat ng mga suspek ay bigla na lang siyang hinarangan ng mga ito, kaya napilitan siyang huminto at agad siyang tinulak ng isa sa mga suspek dahilan upang mawalan siya ng balanse at bumagsak sa sementadong kalsada.
Mabilis na tumayo si PO1 Galong at nagpakilalang alagad ng batas, ngunit bigla siyang sinugod ng isa sa mga suspek, kaya nakipagsuntukan siya rito.
Muli umanong bumagsak ang pulis at kinubabawan ito ng suspek upang hindi siya makabangon at saka tinangkang agawin ang kanyang service firearm.
Lumaban si PO1 Galong at nang hindi makuha ang baril ay bumunot na lamang ng balisong ang suspek at tinangkang saksakin ang una na masuwerteng nakailag at nakatayo.
Dito na binunot ng pulis ang kanyang baril at nagpaputok ng warning shot, ngunit muli siyang sinugod ng suspek kaya napilitan siyang pagbabarilin ito.
Nang makita ang nangyari sa kasamahan, nagsipagtakbuhan na ang mga kasabwat ng suspek.