May 22, 2026

Home BALITA National

'Dapat nang magsimula!' Rep. Diokno, iimbestigahan mataas na singil sa kuryente

'Dapat nang magsimula!' Rep. Diokno, iimbestigahan mataas na singil sa kuryente
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Naghain ng panukala si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa Kamara para imbestigahan ang mga umano’y power bill, system loss, subsidy charges at iba pang dagdag-singil sa mga consumer ng kuryente. 

Ayon sa naging pahayag ni Diokno sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 9, 2026, kinuwestiyon niya kung hanggang kailan daw papasanin ng mga consumer ang dagdag-singil sa kuryente at dapat daw na masimulan na ang imbestigasyon patungkol dito sa Kamara.

“System loss, subsidy charges, at kung anu-ano pa. Hanggang kailan ipapasa sa consumers ang dagdag-singil? Dapat nang magsimula ang imbestigasyon sa KAMARA!” pagsisimula niya. 

Ani Diokno, inihain daw ng Akbayan Reform Bloc ngayong linggo ang House Resolution No. 995 na naglalayong maimbestigahan ang power bill sa kuryente at iba pang klase ng mga charges na nagpapataas ng singil sa mga consumer. 

“Pinaiimbestigahan natin ang mataas na power bills at ang iba’t ibang charges na ipinapasa sa consumers tulad ng generation charge, transmission charge, system loss charge, universal charge, Lifeline Subsidy charge, FIT-All, GEA-All, missionary electrification charge, at buwis,” aniya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Matatandaang nauna nang maglabas ng pahayag si Diokno noong Abril 30, 2026, patungkol sa Manila Electric Company (Meralco) Meralco at umapela siyang saluhin na lang ng nasabing kompanya ang lifeline rate subsidy at hindi idagdag sa bayarin sa kuryente ng mga consumers at taxpayers.

Sinagot naman ng Regulatory Management Head ng Meralco na si Ronald Valles ang mambabatas noong Lunes, Mayo 4, at sinabi niyang mandato ng gobyerno na kolektahin mula sa mga consumers ang gagastahin sa lifeline rate subsidy.

Tugon naman ni Diokno noong Mayo 5, tila hindi raw naintindihan ng naturang electric company ang kaniyang pinupunto kaya panahon na raw para suriin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at Energy Regulatory Commission (ERC) kung hindi susuklian ang pribilehiyong ipinagkaloob ng pamahalaan sa Meralco.

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Diokno, susuriin EPIRA at ERC kung magmamatigas ang Meralco!

KAUGNAY NA BALITA: 'Daig n'yo pang init ng impyerno!' Rep. San Fernando, bumanat sa Meralco