Ni Bella Gamotea
Sa rehas ang bagsak ng apat na lalaki nang mahuli sa aktong nagsusugal ng “dice” sa Makati City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Jerulim Marto y Escandor, 26, delivery boy; Michael Tan y Gerasol, 38, construction worker; Rogie Tuberde y Delos Reyes, 33, delivery boy, pawang ng Barangay Pembo, Makati City; at Lorenzo Babagay y Cerillo, 36, tri-driver, ng Block 251, Lot 17 Dreamland, Bgy. Hagonoy, Taguig City.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), inaresto ng mga tauhan ng Intelligence Unit ng Makati City Police ang mga suspek sa ikinasang simultaneous anti-criminality law enforcement operation (SACLEO) sa Cactus Street, Bgy. Pembo, dakong 11:35 ng gabi.
Walang nagawa ang mga suspek nang posasan sila ng mga pulis at kinumpiska sa kanila ang dalawang pirasong dice at P259 pusta.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.