Arestado ang dalawang katao, na kapwa pinaniniwalaang miyembro ng sindikatong nagbebenta ng condominium na hindi nila pag-aari, sa entrapment operation sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Catherine Cipriano, 46, ng 3303 Zapote Street, Sampaloc; at Antonio Soriano, 46, ng  Block 5, Lot 14, Villa Tanza, Subdivision, Biga, Tanza, Cavite.

Sa imbestigasyon ni PO1 Danilo Kabigting, ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Manila Police District (MPD), ikinasa ng mga tauhan ng MPD-Station 4- Intelligence Unit ang entrapment operation laban kay Cipriano sa Gilids Restaurant, na matatagpuan sa P. Campa St., sa Sampaloc, nitong Disyembre 6.

Nag-ugat ang pag-aresto nang dumulog sa nasabing presinto ang isang negosyante, na nagpatago sa pangalang “Mon”, at inireklamo si Cipriano sa pagbebenta ng condominium building na hindi nito pagmamay-ari.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ayon kay Mon, nag-text sa kanya si Cipriano at nagpakilala na siya ang may-ari ng gusali. 

Inalok umano sa kanya ang titulo at iba pang dokumento ng condo sa halagang P1.6 milyon.

Nagdesisyon si Mon na magtanong ng ilang detalye sa building administrator at dito niya nadiskubre na hindi si Cipriano ang may-ari ng condominium building. 

Nagulat pa si Mon nang malaman sa kanyang kasosyo sa negosyo na nabiktima rin ito ni Cipriano at natangayan ng P.5 milyon na partial payment sa ibinebentang condo.

Matapos maihanda ang marked money, nakipagkita na ang complainant kay Cipriano at habang nakaposisyon na ang mga operatiba, nasilayan nila ang pagdating nina Cipriano at Soriano na sakay sa kotse.

Dumiretso ang mga suspek sa mesa kung saan naghihintay si Mon at nang iabot na ang marked money, pinosasan na sina Cipriano at Soriano.

Kinumpiska kay Cipriano ang kanyang sasakyan, mga hinihinalang pekeng dokumento at titulo ng condo, bank checkbooks at automated teller machine (ATM) card na gagamiting ebidensiya laban sa suspek. - Mary Ann Santiago