NI Celo Lagmay

SA kaliwa’t kanang pagsasampa ng asunto ng magkakasalungat na grupo ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon, iisa ang nakikita kong motibo: Paghihiganti. Maaaring kaakibat nito ang pagkasilaw sa kapangyarihan, pagkagahaman sa yaman ng bayan at labis na pagkainggit.

Sa pagtalakay sa naturang nakadidismayang sistema, hindi ko na bubusisiin ang mga detalye at merito ng mga demanda at kontra-demanda ng magkabilang-panig. Marapat na ipaubaya na lamang natin sa kinauukulang mga hukuman ang pagkilatis sa naturang mga asunto na sinasabing laging nababahiran ng pulitika.

Sa impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, halimbawa, lumutang ang mga impresyon na ang pagsasampa ng asunto ay may bahid-pulitika; na ito ay isang anyo ng paghihiganti sa umano’y mga kapabayaan ng administrasyon na nagtalaga sa kanya sa tungkulin.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Sa pagdinig sa Kamara, kapuna-puna ang masyadong pagdikdik sa Punong Mahistrado sa bintang na culpable violation of the Constitution o tandisang paglabag sa Saligang-Batas. Hindi kaya kinaiinggitan lamang ang kanyang pagiging kauna-unahang babae at pinakabatang Supreme Court Chief Justice? Makatuwiran bang pangimbuluhan ang magandang kapalaran ng sinuman na may sapat namang kakayahan at talino? O, nais lamang kaya nilang ipadama kay Sereno ang malungkot na kapalarang sinapit ng yumaong SC Chief Justice Renato Corona?

Sa kabilang dako, ang paglilitis sa impeachment case ni Corona ay tila nabahiran din ng pulitika. Noon, hindi ba lumutang ang mga haka-haka na siya ay ginipit ng nakalipas na administrasyon dahil sa kanyang umano’y kontrobersiyal na paninindigan hinggil sa malawak na lupain ng Hacienda Luisita?

Maging ang paghahabla ng pandarambong laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay sinasabing nabahiran din ng paghihiganti ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino. Si Arroyo ay kinasuhan ng pandarambong o plunder kaugnay ng sinasabing paglustay ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) -- asunto na humantong sa kanyang pagkabilanggo na kalaunan ay napawalang-sala rin.

Nakapanlulumong mabatid na maging ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos ay naging biktima rin ng matinding paghihiganti mula sa kanyang mga kritiko. Halos lahat ng pangasiwaan, maliban sa Duterte administration, ay mahigpit na tumutol sa pagpapalibing sa kanya sa Libingan ng mga Bayani.

Sa pagsasampa ng iba’t ibang asunto laban kay dating Pangulong Aquino, maliwanag na siya ay biktima rin ng kultura ng paghihiganti; kabilang na rito ang kanyang mga dating miyembro ng Gabinete. Walang pinaliligtas ang kultura ng paghihiganti na laging may kaakibat na kamandag ng karma.