Ni REGGEE BONOAN

MADALAS kaming nagagawi sa Balut, Tondo, Manila at diretsahan naming sasabihin na hindi malinis ang lugar ng 2nd District ng Maynila dahil bukod sa ginagawang parking lot ng napakaraming trailer truck ang mahabang Honorio Lopez Bridge ay marami talagang basura sa mga bangketa at higit sa lahat ay ilang taon nang hindi natatapos ang ginagawang kalye kaya nakahambalang ang naglalakihang bato na napakadelikado sa gabi dahil walang ilaw sa kalsada.

CONG. YUL copy

Kaya nagtanong kami kung nasasakupan ba ni Congressman Yul Servo Nieto ang 2nd District na agad namang sinagot ni Katoto at Kagawad Jimi Escala ng, “Hindi, kasi si Yul sa 3rd District.”

Trending

Netizens, 'laglag-panty' sa bodyguard ni VP Sara; sino siya?

Nabanggit namin si Congressman Yul dahil sa thanksgiving at Christmas party niya kasama ang mga kapatid sa Production 56 talent management company ni Direk Maryo J. de los Reyes ay ipinakita ang lahat ng accomplishments niya simula nang umupo siya sa distritong nasasakupan at marami pang proyektong kasado nang isagawa sa 2018.

Napahanga kami nang husto ng alagang aktor ni Direk Maryo J dahil simulang umupo hanggang natapos ang siyam na taong termino bilang konsehal ng Maynila ay napakarami nang natulungan at nagawa. Higit sa lahat, wala kaming negatibong naririnig mula sa mga nasasakupan niya, kaya nang kumandidato siya para kongresista ay solido ang botong nakuha niya.

“Bilin ko sa kanya,” kuwento ni Direk Maryo J bago tinawag si Yul sa stage, huwag na huwag siyang mangungurakot dahil masisira siya at wala na siyang babalikan.”

“Nu’ng una po akong magpaalam sa kanya na tatakbo akong konsehal,” pagbabalik-tanaw ni Cong. Yul, “kasi kinausap ako ng tatay ko (na magpaalam kay Direk Maryo), ayaw niya, mag-artista na lang daw ako, kasi wala na akong babalikan sa showbiz ‘pag natalo ako, eh, paano nga po ‘pag natalo ako?

“Kaya hanggang tatlong beses lang ako nagpaalam at hindi niya ako pinayagan, at ayoko namang mawalan ng isang Direk Maryo na naging tatay ko na. Hanggang sa dumalo kami sa birthday ng isang reporter at pareho kaming nakainom na ni Direk Maryo at pahapyaw kong binanggit ulit bale pang-apat at pabiro na nga lang. Pero nagulat ako, pinayagan na niya ako.

“’Tapos ngayon nakatatlong term pa ako sa (konseho), at pangako ko naman sa lahat ng tumulong sa akin at sa showbiz na hindi ako mangungurakot maski singkong duling.

“Kaya kung ano po ‘yung para sa bayan, ibinibigay ko po ng buung-buo at walang bawas po. Kaya naman po mahal na mahal ako ng mga kadistrito ko at talagang sinisipagan ko rin po ‘yung pagbibigay ko ng mga programa na sa tingin ko ay magiging kapaki-pakinabang po sa mga kababayan ko po.

“’Tapos ngayon po naging congressman pa ako, hind ko nga po akalain, parang panaginip, at narito na kaya pinagbubuti ko po ang trabaho ko bilang representante. Actually, mahirap po, pero ‘yung ina-apply ko lang po ‘yung natutunan ko sa city council sa Congress na number one po ang pakikisama, pagpapakita ng sincere at ‘yung bill na ipinapasa na kung maganda o hindi. Kasi ‘pag maganda lahat po sumusuporta kaya naman ako namimili rin ng bill at resolution.

“Kaya maraming-maraming salamat po sa lahat ng suporta ninyo (entertainment press) sa akin at nakita n’yo naman kung paano ako lumaki sa industriya at sa pagiging public servant at pangako ko po sa inyo, hihigitan ko pa lahat ng nagawa ko sa pagiging lingkod bayan.”

Maging sa pagpasok ni Yul sa showbiz ay hindi naging madali dahil dumating din sa punto na gusto na niyang mag-TNT sa Amerika, pero pinauwi siya ni Direk Maryo J at maghintay lang daw ng limang taon, kapag walang nangyari sa pag-aartista niya ay papayagan na siyang magpunta sa ibang bansa.

Sinuwerte si Yul dahil simula 2001-2005 ay taun-taon siyang nanalo ng Best Supporting Actor, kaya naging maingay na ang pangalan niya at dumagsa ang offer na projects sa kanya.

Ngayon, kahit abala sa pagiging kongresman ay hindi pa rin niya tinatalikuran ang pag-arte, dahil ang kinikita naman niya rito ang ginagamit niyang pangsuporta sa pamilya niya.

Samantala, hindi lingid sa lahat na magkaibigan sina Yul at Piolo Pascual at sa katunayan ay natsismis pa sila na ipinagkikibit-balikat na lang ng dalawa dahil alam naman daw nila kung ano ang totoo.

Ninong si Piolo ng lahat na mga anak ni Yul at umaasa ang huli na matagpuan na rin ng una ang tamang babaeng makakasama sa buhay.

“Wala pa raw siyang maano (makita), eh, wala pa ‘yung right girl. Pero okay din naman na single, walang asawa, walang responsibilidad. Marami lang chicks!” nakangiting sabi ni Congressman Yul.

Sobrang bait ni Piolo, “Kaya lahat ng anak ko, ninong siya, eh! Ngayon, kukunin ko siya ulit na ninong (buntis ulit ang kanyang maybahay?).”

Hindi lang daw sa pagiging ninong maaasahan si Piolo na palagi pala niyang nahihingan ng tulong. Katunayan, kamakailan ay nag-donate ito ng libu-libong grocery bags para sa kanyang constituents.

“Malaking bagay din po, hindi naman kaya ng gobyerno, biro mo nagbigay siya ng 5,000 na goods,” pahayag ni Yul.

“Sinuportahan niya ako nu’ng unang takbo ko, nu’ng 2007, as konsehal. ‘Tapos the rest, hindi na ako humingi ng tulong. ‘Tapos itong unang term ko, humingi ulit ako ng tulong sa kanya, as congressman na.”

Hmmm, bakit nga ba ayaw pang pumasok ni Papa P sa pulitika tutal mahilig din naman siyang tumulong? O baka nga mabahiran ng hindi maganda ang pangalan niya kapag pinasok pa niya ito, di ba, Bossing DMB?

Anyway, ang iba pang talents ni Direk Maryo sa Productions 56 ay sina Ruru Madrid, Nash Aguas, Migs Cuaderno, Barbara Miguel, martial arts champion and actor Xyruz Cruz, Mr. Gay World 2017 John Raspado, singer-model-actor Orlando Sol at ang Masculados.